Nilinaw ni Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto ang mga kumalat na impormasyon sa social media hinggil sa umano’y paniningil ng toll fee sa mga pumapasok sa bayan ng Infanta, kasunod ng mga usapin tungkol sa pagpapatupad ng Municipal Environmental Users Fee (MEUF).

Sa kanyang pahayag, mariing itinanggi ng alkalde na may ipinapataw na toll fee o bayad sa pagpasok sa bayan.

“Wala pong bayad ang pagpasok o pagdaan sa Infanta. Bawal po mangolekta ang LGU ng toll fee at bawal din ang passthrough charges,” ani Ruanto.

Ipinaliwanag niya na ang umiiral sa bayan ay ang Municipal Environmental Users Fee (MEUF) sa ilalim ng Ordinance No. 30 series of 2021. Ayon sa alkalde, ang naturang bayarin ay hindi para sa pagpasok sa bayan kundi para sa pangangalaga, konserbasyon, at rehabilitasyon ng kalikasan, gayundin sa mga programa sa solid waste management at waste treatment.

Aniya, ipinapataw lamang ang MEUF sa mga turistang gumagamit o bumibisita sa mga likas na yaman ng Infanta tulad ng mga ilog, kabundukan, dalampasigan, at iba pang destinasyong pangkalikasan.

Binigyang-diin din ni Ruanto ang patuloy na suliranin sa basura na iniiwan ng ilang pasaway na turista sa mga bundok, ilog, at kahabaan ng Marilaque Road, partikular sa mga bahagi ng Barangay Magsaysay na kabilang sa protected areas ng bayan.

“Tone-toneladang basura ang aming nakokolekta sa mga regular na clean-up drive. Nakaaapekto ito hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa mga komunidad na naninirahan sa kabundukan at dalampasigan,” aniya.

Ayon sa alkalde, malaking bahagi ng nalilikom mula sa MEUF ay direktang napupunta sa mga programang pangkalikasan. Batay sa datos ng Municipal Treasury, umabot na sa P1.74 milyon ang nakolekta mula sa MEUF hanggang Hunyo 10, 2026, na mas mataas kumpara sa P619,606 noong 2024 at P571,029 noong 2025.

Ipinaliwanag din niya ang paghahati ng pondo kung saan 50 porsiyento ang inilalaan sa environmental protection programs kabilang ang reforestation at solid waste management; 20 porsiyento para sa mga proyektong pangkomunidad at barangay; 20 porsiyento para sa tourism development; at 10 porsiyento para sa operasyon, insentibo ng mga collector, at mga bantay-kalikasan.

Samantala, inamin ni Ruanto na naging kontrobersyal ang koleksyon ng MEUF sa bahagi ng highway sa kahabaan ng Marilaque Road. Dahil dito, nilinaw niyang naglabas na siya ng direktiba noong Mayo 18, 2026 upang ihinto ang pangongolekta sa highway dahil nagdudulot ito ng pagsisikip ng trapiko at posibleng panganib sa mga motorista at collectors.

Ayon sa alkalde, ang koleksyon ng MEUF ay dapat isagawa sa mga destination establishments, resorts, at tourism centers habang wala pang maayos na Municipal Tourism Reception Facility sa lugar.

Dahil sa kalituhan at abalang dulot ng implementasyon, humingi rin ng paumanhin si Ruanto sa mga turista at bisitang naapektuhan ng sitwasyon.

“Buong puso at kababaang-loob akong humihingi ng paumanhin sa mga naabala at nalito,” aniya.

Binigyang-diin naman ng alkalde na patuloy pa ring ipatutupad ang MEUF dahil ito ay umiiral na batas at tanging panibagong ordinansa o kautusan ng hukuman lamang ang maaaring magpawalang-bisa rito.

Sa huli, nanawagan si Ruanto ng kooperasyon mula sa mga turista at mamamayan upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at likas na yaman ng Infanta para sa susunod na henerasyon.

“Ang bayan ng Infanta ay para sa lahat. Ang inyong pagtalima sa mga batas at regulasyon ay pakikibahagi sa paglikha ng isang maayos na bayan at destinasyon para sa lahat,” dagdag niya.

Source: L.A. RUANTO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved