Muling pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang matatag na pamamahala sa pananalapi matapos itong kilalanin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang isa sa mga 2025 Seal of Good Financial Housekeeping (SGFH) Passers. Ang pagkilalang ito ay ibinibigay sa mga lokal na pamahalaang nakasunod sa mga pamantayan ng transparency, accountability, at maayos na paggamit ng pondo ng bayan.

Bukod sa Pamahalaang Panlalawigan, kabilang din sa mga kinilalang SGFH passers ang iba’t ibang lungsod at bayan sa lalawigan, patunay ng sama-samang pagsisikap ng mga lokal na opisyal upang mapanatili ang mahusay na pamamahala sa pananalapi at pagsunod sa Full Disclosure Policy ng pamahalaan. Ang pagkakaroon ng maayos na financial management ay isa sa mga pangunahing sukatan ng DILG upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang tama at para sa kapakanan ng mamamayan.

Ayon sa DILG, ang Seal of Good Financial Housekeeping ay iginagawad sa mga lokal na pamahalaan na nakatatanggap ng katanggap-tanggap na audit opinion mula sa Commission on Audit (COA) at sumusunod sa mga alituntunin sa pagbubunyag ng mga dokumentong pinansyal at badyet. Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing mahalagang batayan ng mabuting lokal na pamamahala at isa rin sa mga rekisito sa iba pang prestihiyosong parangal tulad ng Seal of Good Local Governance.

Samantala, patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan ang transparency sa pamamagitan ng regular na paglalathala ng mga ulat sa badyet, procurement, at iba pang financial reports sa ilalim ng Full Disclosure Policy.

Ang pagkilala sa Quezon at sa mga lungsod at bayan nito bilang 2025 SGFH passers ay patunay ng kanilang dedikasyon sa tapat, responsable, at mahusay na paglilingkod sa publiko, na naglalayong higit pang mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa kanilang lokal na pamahalaan.

Note: Para malaman ang LGU na kabilang sa 2025 SGFH Passers bisitahin ang FB Page ng DILG Quezon Province o i-click ang link: https://www.facebook.com/share/1BULn5mF9F/?mibextid=wwXIfr Source: DILG Quezon Province

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved