Members of the 12th Sangguniang Bayan of Pagbilao convene for their 49th Regular Session on June 16, 2026, at the Don Claro M. Recto Hall.

Revocation ng permit ng PrimeWater, isinusulong sa Pagbilao dahil sa lumalalang krisis sa tubig

Umigting ang panawagan para sa posibleng suspensiyon o pagpapawalang-bisa ng business permit ng PrimeWater Corporation matapos talakayin sa ika-49 na Regular na Sesyon ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao ang patuloy na krisis sa suplay ng tubig na nararanasan ng mga residente sa iba’t ibang barangay ng bayan.

Sa sesyon, dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Office of the Mayor, Municipal Treasurer’s Office, Municipal Administrator’s Office, General Services Office (GSO), at Business Permits and Licensing Office (BPLO) ang pagdinig upang magbigay-linaw sa mga usaping may kaugnayan sa operasyon ng water concessionaire.

Councilor Ariel T. Martinez

Sa kanyang pribilehiyong pananalita sa Question Hour, iginiit ni Konsehal Ariel Martinez na nananatiling hindi natutupad ang mga pangakong inilatag ng PrimeWater mula nang pumasok ito sa Pagbilao noong 2018, kabilang ang rehabilitasyon ng sistema ng tubig, sapat na suplay, at 24-oras na serbisyo.

“Dapat pa bang magpatuloy ang PrimeWater? Tama ba na nagbabayad ng minimum bill ang mga residente ng Pagbilao na wala namang dumadating na tulo ng tubig sa kanilang mga gripo?” ani Martinez.

Ayon sa mga opisyal, patuloy na nagdurusa ang mga mamamayan sa dobleng pasaning pinansyal dahil bukod sa buwanang singil ng PrimeWater ay napipilitan pa silang bumili ng mas mahal na tubig mula sa mga alternatibong mapagkukunan upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Lumabas sa talakayan na hindi na lamang ilang sitio o subdibisyon ang apektado ng kakulangan sa tubig kundi maging ang iba’t ibang barangay sa buong bayan.

Batay sa mga dokumentasyon at video na iniharap sa sesyon, binigyang-diin ni Vice Mayor Walter “Wally” Dapla ang epekto ng krisis sa mga bulnerableng sektor gaya ng mga senior citizen na napipilitang mag-igib, magbuhat at bumili ng tubig para sa kanilang pang-araw-araw na gamit.

representative from the Pagbilao Municipal General Services Office (GSO)

Ayon naman sa kinatawan ng General Services Office, lalo pang lumala ang sitwasyon sa nakalipas na dalawang buwan dahilan upang magsagawa ng water rationing ang mga barangay, Bureau of Fire Protection (BFP), at lokal na pamahalaan gamit ang mga water tanker at suplay mula sa mga deep well at iba pang mapagkukunan ng tubig.

Sinabi rin ng GSO na layunin nilang magbigay ng mas mahigpit na pressure sa pamamagitan ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD) upang obligahin ang PrimeWater na tuparin ang mga responsibilidad nito sa gitna ng lumalalang kakulangan sa suplay ng tubig.

Ayon sa mga pahayag na inilahad sa sesyon, hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng water tankers upang tugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na matagal nang nakararanas ng kakulangan sa tubig. Binanggit din ang dagdag na gastusin sa krudo at operasyon ng mga sasakyang ginagamit sa water rationing.

Samantala, ibinahagi ni Municipal Administrator Juan Zaporteza na tinatayang umaabot sa humigit-kumulang ₱40 milyon kada buwan ang nakokolekta ng PrimeWater sa buong bayan. Dahil dito, iminungkahi niyang magpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan upang obligahin ang concessionaire na maglaan ng 20 porsiyento ng buwanang koleksiyon nito bilang ambag sa mga gastusin ng lokal na pamahalaan kaugnay ng water rationing operations.

Nagsimula ang masusing pagtalakay ng Sangguniang Bayan matapos umanong pahayag ni Mayor Gigi Portes na wala umanong paglabag ang PrimeWater. Mariin itong hindi sinang-ayunan ng ilang miyembro ng konseho at maging ng mga residente ng bayan.

Vice Mayor Walter "Wally" G. Dapla

Sa pagdinig, nabanggit na noon pang Oktubre 2, 2025 ay nakatanggap na umano ang tanggapan ng punong bayan ng liham mula sa QMWD na naglalaman ng listahan ng mga hindi natupad na commitments at mga paglabag na iniuugnay sa PrimeWater.

Ayon kay Dapla, ang tuloy-tuloy na pagresponde ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya upang maghatid ng tubig sa mga apektadong barangay ay indikasyon ng malaking kakulangan sa serbisyo ng kumpanya.

“The mere fact na kaliwa’t kanan ang isinasagawang pag-asiste sa mga barangay na apektado ay nangangahulugan na marami talagang pagkukulang ang kumpanya,” ani Dapla.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng Sangguniang Bayan ang mga posibleng legal na hakbang laban sa PrimeWater, kabilang ang paghahain ng Notice of Violations at ang posibilidad ng suspensiyon o revocation ng business permit nito sa ilalim ng Section 16 ng Republic Act No. 7160 o General Welfare Clause.

Ayon sa mga opisyal, maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang kapangyarihang ito upang protektahan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan kung mapatutunayang kinakailangan batay sa umiiral na sitwasyon.

Iginiit ni Dapla na bagama’t bukas ang sanggunian sa posibilidad ng pagtatayo ng sariling water distribution system, dapat munang papanagutin at i-pressure ang QMWD na gampanan ang mandato nitong magbigay ng maayos, malinis at sapat na suplay ng tubig sa mga mamamayan.

Binigyang-diin din ng bise alkalde na ang pagtatayo ng sariling water distribution facility ay dapat lamang ikonsidera bilang huling opsyon o “last resort” dahil may kaakibat itong mga legal na proseso at implikasyon, lalo na’t nasa ilalim pa rin ng saklaw ng QMWD ang bayan ng Pagbilao.

Naniniwala si Dapla na mas nararapat munang tiyakin na matutupad ng QMWD ang tungkulin nito bago pumasok ang LGU sa isang malaking proyektong mangangailangan ng malaking pondo at masusing pag-aaral.

Nanawagan naman ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan para sa pagsasagawa ng malawakang signature campaign sa buong Pagbilao bilang pormal na suporta ng mamamayan sa mga reklamong inihahain laban sa PrimeWater.

Sa ngayon, hinihintay ng mga residente ang magiging susunod na hakbang ng lokal na pamahalaan habang patuloy na nananawagan ng agarang solusyon sa matagal nang suliranin sa suplay ng tubig sa bayan.

Photos Courtesy: Wally Dapla https://www.facebook.com/WallyDapla

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved