Abot-kamay na ng mga residente ng bayan ng Perez ang dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan matapos isagawa ang pormal na pagpapasinaya at pagbabasbas ng Super Health Center at Primary Care Facility sa naturang bayan noong Hunyo 18.

Pinangunahan nina Governor Doktora Helen Tan at Mayor Charizze Marie Escalona ang ceremonial ribbon-cutting kasama si Vice Governor Third Alcala, mga kinatawan ng Department of Health, at iba pang opisyal na naging katuwang sa pagsasakatuparan ng proyekto.

Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Punong Barangay Jose Quidor ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang modernong pasilidad na magpapalapit ng mas pinalawak na serbisyong medikal sa mga residente ng bayan.

Ipinahayag naman ni Mayor Escalona ang kanyang pasasalamat sa lahat ng ahensya at indibidwal na tumulong upang maisakatuparan ang matagal nang mithiin ng bayan na magkaroon ng sariling Super Health Center.

Binalikan din niya ang naging proseso ng koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, Department of Health, Tanggapan ng Ika-apat na Distrito ng Quezon, Pamahalaang Panlalawigan, at iba pang partner agencies na naging susi sa pagtatayo ng pasilidad.

Nagpaabot din ng suporta si Harold Mercado ng Department of Health, na muling tiniyak ang patuloy na pakikipagtulungan ng kagawaran sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan. Aniya, mas nagiging matagumpay ang mga proyekto kapag nagkakaisa ang mga pambansa, panlalawigan, distrito, at lokal na tanggapan ng pamahalaan.

Tiniyak naman ni Vice Governor Alcala ang patuloy na suporta ng Sangguniang Panlalawigan sa mga programang naglalayong mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan ng Quezon.

Samantala, ibinahagi ni Governor Tan ang mga naging hakbang sa implementasyon ng proyekto, kabilang ang paghahanda para sa maayos na operasyon ng pasilidad. Nagbigay rin siya ng mga rekomendasyon upang matiyak ang episyente at tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyong medikal sa komunidad. Muli rin niyang pinagtibay ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga proyektong magpapalakas sa healthcare system ng bayan ng Perez.

Nakiisa rin sa programa sina Board Members Angelo “Ola” Eduarte, Harold Butardo, at Aileen Malabanan-Dellosa, gayundin ang mga konsehal ng bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Ryan A. Panol, mga punong barangay, barangay officials, barangay health workers, at mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Sa pagbubukas ng Perez Super Health Center at Primary Care Facility, inaasahang mas mapapalapit sa mamamayan ang mga pangunahing serbisyong medikal, kabilang ang konsultasyon, preventive healthcare, at iba pang mahahalagang serbisyong pangkalusugan, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng healthcare system sa bayan ng Perez.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved