Isang mahalagang yugto sa buhay ng daan-daang kabataang Lucenahin ang nasaksihan matapos tanggapin ng 867 nagtapos na Iskolar ng Bayan ang kanilang mga diploma sa ginanap na ika-21 Commencement Exercises ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena (DLL) sa Lucena Convention Center nitong Huwebes, Hunyo 18.

Pinangunahan ni Lucena City Mayor at DLL Chair na si Mark Alcala ang seremonya kasama sina Vice Mayor Roderick Alcala, DLL President Atty. Sheila De Leon, at Acting College Administrator Alyssa Marie Mijares. Dumalo rin sa okasyon ang mga miyembro ng Board of Trustees, mga lokal na opisyal, miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga department head ng lokal na pamahalaan, gayundin ang mga guro at kawani ng kolehiyo.

Nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita sa pagtatapos si Atty. Asis Perez, Undersecretary for Planning, Policy and Regulations ng Department of Agriculture.

Tampok sa pagdiriwang ang temang “Excellence in Scholarship: Leadership for National Development and Transformative Global Responsibility,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mahusay na edukasyon, pamumuno, at pananagutang panlipunan sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga propesyunal at lingkod-bayan.

Ipinagdiwang naman ng mga magulang, kaanak, at kaibigan ng mga nagtapos ang tagumpay ng mga bagong nagsipagtapos na bunga ng kanilang pagsisikap at dedikasyon sa pag-aaral. Para sa marami sa kanila, ang pagtatapos sa DLL ay hindi lamang personal na tagumpay kundi simbolo rin ng oportunidad na ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng libreng edukasyon.

Sa pagtatapos ng seremonya, baon ng 867 bagong nagsipagtapos ang pag-asang makapag-ambag sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad at ng bansa, dala ang kaalaman at mga pagpapahalagang kanilang natutunan sa loob ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena.

Photos courtesy of the Public Information Office – City of Lucena

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved