Personal na binisita nitong Hunyo 18 ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang isinasagawang windmill project sa bayan ng Alabat upang masuri ang kasalukuyang kalagayan at progreso ng isa sa mga pangunahing renewable energy projects sa lalawigan.
Sa isinagawang pagbisita, sinuri ng mga opisyal ang implementasyon ng proyekto at nakipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya at mga namamahala rito upang matiyak na maayos at naaayon sa itinakdang plano ang pagpapatupad ng konstruksyon.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, layunin ng inspeksyon na makita ang magiging ambag ng proyekto sa pagpapalakas ng renewable energy sector, pagpapabuti ng suplay ng kuryente, at paglikha ng mga oportunidad para sa lokal na ekonomiya at kabuhayan ng mga residente ng Alabat at mga karatig lugar.
Ang wind energy project ay inaasahang makatutulong sa pagsusulong ng malinis at napapanatiling pinagkukunan ng enerhiya, kasabay ng layunin ng bansa na palawakin ang paggamit ng renewable energy upang mabawasan ang pagdepende sa fossil fuels at mapangalagaan ang kalikasan.
Ipinakita rin ng pagbisita ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga proyektong may pangmatagalang benepisyo para sa mamamayan.
Sa pamamagitan ng regular na pagmomonitor at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan, layon nitong matiyak na magiging matagumpay ang mga proyektong makatutulong sa pag-unlad ng lalawigan at sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Patuloy namang inaabangan ng mga residente ang pagkumpleto ng proyekto na inaasahang magbibigay ng positibong epekto sa enerhiya, ekonomiya, at pangkalahatang kaunlaran ng isla ng Alabat.
