Muling pinagtibay ng Pamahalaang Bayan ng Infanta ang kanilang matatag na paninindigan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng isang makasaysayan at matagumpay na programa para sa Stable Internal Peace and Security (SIPS) o pagiging insurgency-free municipality na isinagawa sa Municipal Plaza noong Hunyo 15.
Pinangunahan ni Mayor L.A. Ruanto kasama si Vice Mayor Mannie America, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at 36 na Punong Barangay ang Pledge of Commitment bilang pagpapakita ng kanilang nagkakaisang suporta sa pagpapanatili ng mapayapa at ligtas na komunidad.
Ayon kay Colonel Alexander M Arbolado ng 202nd Infantry Brigade, Philippine Army, mahalaga ang patuloy na pagpapatibay ng kasunduan bilang patunay na nakamit na ng isang lokalidad ang pagiging insurgency-free.
Aniya, kasunod nito ay ang pagpapatuloy ng mabuting pamamahala at pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran.
Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at iba pang security sector partners, kabilang sina Colonel Horleo Abdulah ng 404th Community Defense Center, Lieutenant Colonel Reynaldo Reyes ng 1st DPMAC, Police Major Fernando Credo ng Infanta Municipal Police Station, at mga opisyal ng 80th Infantry Battalion at 202nd Brigade.
Sa kanyang mensahe, binalikan ni Mayor Ruanto ang panahong ang Lalawigan ng Quezon ay madalas na inuugnay sa presensya ng New People’s Army (NPA), dahilan upang magkaroon ng pangamba ang mga bumibisita at mamumuhunan sa lalawigan.
Ngunit ayon sa alkalde, malaki na ang ipinagbago ng sitwasyon sa kasalukuyan. Aniya, nananatiling payapa at ligtas ang Quezon mula sa anumang armadong pag-aalsa dahil sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan, mga security forces, at ng mamamayan, gayundin sa mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad.
Binigyang-diin din ni Ruanto na hindi sapat ang deklarasyon ng pagiging insurgency-free upang masiguro ang pangmatagalang kapayapaan. Kailangan aniya itong samahan ng mahusay, tapat, at makataong pamamahala upang maramdaman ng bawat mamamayan, lalo na ng mga nasa laylayan, ang tunay na serbisyo ng gobyerno.
“Bagama’t hindi perpekto ang pamumuno, patuloy ang aming pagpupursige upang maabot ang bawat mamamayan at matiyak na may gobyernong handang umalalay sa panahon ng pangangailangan,” ani Ruanto.
Hinikayat din ng alkalde ang bawat residente na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran upang walang maiwan sa pag-unlad ng bayan.
Matatandaan na kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, idineklara ang buong CALABARZON bilang may Stable Internal Peace and Security, dahilan upang maging kauna-unahang rehiyon sa bansa na nakamit ang naturang katayuan ngayong 2026.
