LUCENA CITY — Tinatayang 13 atletang Lucenahin ang ginawaran ng cash incentives mula sa Pamahalaang Panlungsod ng Lucena matapos mag-uwi ng medalya sa 2026 Palarong Pambansa na ginanap noong Hunyo 30.
Pinangunahan ang pamamahagi ng insentibo nina Mayor Kuya Mark Alcala at Vice Mayor Roderick “Dondon” Alcala, katuwang si Susan Oribiana, Division Sports Officer Joey Jader, at mga coaches ng mga atleta.
Dumalo rin bilang suporta si City Councilor Wilbert McKinly Noche.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nakatanggap ng ₱7,000 ang gold medalists, ₱5,000 ang silver medalists, at ₱3,000 naman ang bronze medalists bilang pagkilala sa kanilang tagumpay.
Layunin ng programang ito na patuloy na palakasin ang suporta sa mga atletang Lucenahin at kilalanin ang kanilang husay, determinasyon, at ambag sa larangan ng sports na nagbibigay karangalan sa lungsod at sa bansa.
Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy ang ganitong insentibo bilang bahagi ng kanilang sports development program upang mahikayat pa ang mas maraming kabataang Lucenahin na sumabak at magtagumpay sa palakasan.
