Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan, chairperson ng Regional Peace and Order Council (RPOC)-CALABARZON, ang ikalawang quarter meeting ng konseho kasama ang mga gobernador, pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan, at mga opisyal ng kapulisan at militar sa rehiyon upang talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa CALABARZON.

Sa pagpupulong, inilahad ng bawat lalawigan ang kanilang mga ulat hinggil sa peace and security situation, mga naisagawang programa, at iba pang hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa rehiyon.

Isa sa mga pangunahing tinalakay ang pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga insidenteng nakaapekto sa mga mag-aaral at mga institusyong pang-edukasyon.

Binigyang-diin ni Gov. Tan ang pangangailangang higit pang paigtingin ang koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, mga school division, at mga law enforcement agencies upang matiyak ang ligtas na kapaligiran sa bawat paaralan.

Hinimok din ng gobernador ang pagbuo ng mga pangmatagalang polisiya, pagpapatuloy ng information and awareness campaigns, at mas matibay na pagtutulungan ng lahat ng sektor upang maprotektahan ang mga mag-aaral, guro, at iba pang miyembro ng academic community.

Ang pagpupulong ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng RPOC-CALABARZON na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Nitong Hunyo, idineklara rin ang CALABARZON bilang kauna-unahang rehiyon sa bansa na nagkamit ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status o pagiging insurgency-free para sa 2026, isang pagkilalang sumasalamin sa sama-samang pagkilos ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng pamahalaan, at mga pwersang panseguridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved