Apat (4) na katao ang nasawi habang labing-isang (11) iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng isang wing van truck ang mga taong naglalamay sa gilid ng Maharlika Highway sa Sitio Tumpukan, Barangay Ibabang Palsabangon, Pagbilao, Quezon, dakong alas-10:45 ng gabi noong Hunyo 29.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Pagbilao Municipal Police Station (MPS), patungong Sta. Rosa City, Laguna ang Isuzu wing van mula sa Naga City nang ipasa ng driver ang pagmamaneho sa kanyang helper pagdating sa Plaridel, Quezon upang makapagpahinga.
Sa pagdating sa lugar ng insidente, nakatulog umano ang helper habang nagmamaneho, dahilan upang mawalan ng kontrol ang truck, lumihis sa kabilang linya ng kalsada, at sumalpok sa mga taong nagtitipon para sa isang burol sa gilid ng highway.
Matapos araruhin ang mga nakikipaglamay, sunod-sunod ding nabangga ng truck ang isang jeep, tatlong motorsiklo, dalawang traysikel, at maging ang mga upuan, mesa, at iba pang ari-ariang ginagamit sa burol.
Dalawang biktima ang idineklarang dead on the spot matapos maipit sa ilalim ng truck. Isa pang biktima ang binawian ng buhay habang ginagamot sa Quezon Medical Center dahil sa matinding pinsala sa ulo, habang isa pa ang idineklarang patay pagdating sa MMG Hospital sa Lucena City.
Sugatan naman ang siyam pang sibilyan, kabilang ang isang menor de edad, at isinugod sa Quezon Medical Center upang malapatan ng lunas. Nagtamo rin ng minor injuries ang helper na nagmamaneho ng truck at ang driver nito.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. Inihahanda ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries, and Multiple Damage to Property laban sa helper na umano’y nakatulog habang nagmamaneho.
