Libu-libong Quezonian ang nakinabang sa magkakasunod na programang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa mga bayan ng San Narciso at Buenavista noong Hunyo 27 at 28, na nakatuon sa serbisyong pangkalusugan, suporta sa agrikultura, at tulong sa edukasyon.
Sa ilalim ng programang Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan, umabot sa 4,153 benepisyaryo sa San Narciso at 3,011 benepisyaryo sa Buenavista ang nabigyan ng libreng konsultasyong medikal, gamot, laboratory tests, ultrasound, ECG, X-ray, dental services, at iba pang serbisyong pangkalusugan.
Kasabay nito, nagbigay rin ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng tulong pinansyal para sa mga nangangailangan ng karagdagang gamot.
Pinalawak din ang programang Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamot at Nutrisyon para sa Barangay, kung saan naipamahagi ang kahon-kahong mga gamot sa dalawang bayan upang suportahan ang pangangalaga sa kalusugan ng mga residente mula sa mga bata hanggang sa mga nakatatanda.
Hindi lamang kalusugan ang binigyang-prayoridad ng pamahalaang panlalawigan, namahagi rin ito ng iba’t ibang agricultural inputs sa mga magsasaka, magniniyog, at mangingisda upang makatulong sa pagpapataas ng kanilang produksyon at kita.
Nagsagawa rin ang Office of the Provincial Agriculturist ng mga dayalogo at konsultasyon upang talakayin ang mga hamon na kinahaharap ng sektor ng agrikultura at pangisdaan, kabilang ang epekto ng pabago-bagong klima.
Samantala, sa ilalim ng Strengthening Access to Education College Assistance Program (STAN-C), nakatanggap ng suportang pinansyal ang 75 mag-aaral sa San Narciso at 88 mag-aaral sa Buenavista. Patuloy ring ipatutupad ang One Registration Policy, na nagbibigay ng katiyakang makatatanggap ng tulong ang mga kwalipikadong benepisyaryo hanggang sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo.
Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan, kasama si Vice Governor Third Alcala, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga lokal na opisyal, at iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, ang paghahatid ng mga programa bilang bahagi ng layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na mailapit ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at kabuhayan sa bawat Quezonian.
Ayon kay Governor Tan, patuloy nilang palalawakin ang mga programang nagbibigay ng pantay na oportunidad at tunay na malasakit sa mamamayan ng lalawigan.
