Ginawaran ng Drug-Free Workplace Certification ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at ang Quezon Provincial Hospital Network (QPHN) nitong nakaraang Lunes, Hunyo 22, sa Quezon Convention Center bilang pagkilala sa kanilang pagsunod at aktibong pagpapatupad ng mga patakarang nagtataguyod ng ligtas at malinis na lugar ng trabaho na malaya sa ilegal na droga.
Ang pagkilala ay alinsunod sa DDB Board Regulation No. 13, Series of 2018 ng Dangerous Drugs Board, na nag-aatas sa mga tanggapan ng pamahalaan na magpatupad ng komprehensibong Drug-Free Workplace Program bilang bahagi ng pambansang kampanya laban sa ilegal na droga.
Pinangunahan ni Erwin Magpantay, Provincial Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang paggawad ng sertipikasyon na personal na tinanggap ni Governor Doktora Helen Tan kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa programa, nagbahagi rin ng mensahe sina Provincial Administrator at Drug-Free Workplace Program Committee Chairperson na si Manuel M. Butardo, 4th District Board Member Harold D. Butardo, Provincial Health Officer Dra. Kristin Mae-Jean M. Villaseñor, at DILG Quezon representative na si Jomar Revadavia hinggil sa kahalagahan ng pagpapanatili ng isang ligtas, produktibo, at responsableng kapaligiran sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Binigyang-diin naman ni Abad H. Osit, Undersecretary ng Dangerous Drugs Board, ang kahalagahan ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang nagsusulong ng drug-free workplace bilang mahalagang bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa paggamit at pagkalat ng ilegal na droga.
Kabilang sa mga ginawaran ng Drug-Free Workplace Certification ang Quezon Medical Center at mga ospital ng QPHN sa mga bayan ng Infanta, Polillo, Sampaloc, Mauban, Candelaria, Unisan, Catanauan, San Francisco, San Narciso, Alabat, Atimonan, Gumaca, Lopez, at Guinayangan. Pinarangalan din ang iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na matagumpay na nakatugon sa mga pamantayan ng sertipikasyon.
Ayon kay Governor Tan, ito ay patunay ng patuloy na pagsusulong ng isang ligtas at produktibong lugar ng pagtatrabaho upang maglingkod sa bawat Quezonian.
