Naglabas ng opisyal na Disclaimer and Clarification ang Office of the City Legal ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena upang pabulaanan ang isang liham na umano’y nagmula sa kanilang tanggapan at isinumite sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Lucena.
Sa liham na may petsang Hunyo 22, 2026 na ipinadala kay DILG Lucena City Director Leandro S. Gigantoca, nilinaw ng City Legal Office na ang dokumentong may petsang Abril 30, 2026 at naka-address kay Jason Macasaya ay hindi opisyal na inilabas ng kanilang tanggapan.
Ayon sa pahayag ng City Legal Office, “We respectfully inform your Office that the said document is not an official issuance of the City Legal Office of Lucena City and was neither prepared, approved, signed, nor released by this Office.”
Dagdag pa nito, hindi rin umano tunay ang lagda na nakalagay sa nasabing dokumento.
“Moreover, the signature appearing thereon is not the genuine signature of the undersigned, Atty. Sheila B. De Leon,” ayon sa nilalaman ng disclaimer.
Batay sa dokumento, hiniling ng City Legal Office sa DILG na ituring ang naturang liham bilang hindi awtorisado at huwag itong gamitin bilang opisyal na komunikasyon, posisyon, o representasyon ng City Legal Office o ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena.
Ipinaliwanag din ng tanggapan na ang paglilinaw ay inilabas upang maprotektahan ang integridad ng mga opisyal na rekord ng pamahalaan at maiwasan ang anumang maling interpretasyon o representasyon na maaaring idulot ng pagkalat ng naturang dokumento.
Ang kinukuwestiyong liham ay may kaugnayan sa reklamo hinggil sa serbisyo ng tubig sa Lucena City at naglalaman ng pahayag tungkol sa relasyon ng lokal na pamahalaan sa Quezon Metropolitan Water District (QMWD).
Samantala, pinasalamatan ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ang publiko sa pagiging mapagmatyag at hinikayat ang mga Lucenahin na tiyaking mula sa opisyal at beripikadong mga pinagkukunan ang impormasyong kanilang pinaniniwalaan at ibinabahagi.
