Muling ipinatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena ang programang Libreng Sine para sa mga Senior Citizens simula noong Hunyo 25, alinsunod sa City Ordinance No. 2450, Series of 2012, bilang dagdag na benepisyo at pagkilala sa mga nakatatandang residente ng lungsod.
Sa ilalim ng programa, ang SM City Lucena ang itinalagang awtorisadong sinehan kung saan maaaring manood nang libre ang mga kwalipikadong senior citizens ng mga piling pelikula dalawang beses bawat buwan, alinsunod sa itinakdang iskedyul at mga patakaran ng programa.
Ang muling pagpapatupad ng libreng sine ay pinagtibay sa pamamagitan ng Resolution No. 20-254, Series of 2026 na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena, bilang suporta sa pagpapatuloy ng nasabing benepisyo para sa mga lolo at lola ng lungsod.
Ayon sa anunsyo ng pamahalaang lungsod, hinihikayat ang mga senior citizens na makipag-ugnayan sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na matatagpuan sa Ground Floor ng Lucena City Government Complex (New City Hall) upang malaman ang kumpletong iskedyul, mga kwalipikasyon, at iba pang detalye sa pag-avail ng libreng sine.
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga senior citizen na makapaglibang at makapagpahinga sa pamamagitan ng libreng panonood ng pelikula bilang bahagi ng patuloy na pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa kanilang ambag sa komunidad.
