Pinalalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang koordinasyon upang maisulong ang mga pangmatagalang proyekto laban sa pagbaha at pagguho ng baybayin sa bayan.

Pinangunahan ni Infanta Mayor L.A. Ruanto, kasama si Municipal Administrator Atty. Rinchel Aurellana, ang pagpupulong sa DPWH–Bureau of Equipment kung saan sinalubong sila nina Director Toribio Noel Ilao at Assistant Director Hugh Van Erik Tolentino upang talakayin ang mga estratehikong imprastraktura para sa mas ligtas at mas matatag na komunidad.

Sa pulong, inilahad ng DPWH ang mga planong bumuo ng Master Dredging Plan para sa Agos River, Bantilan River, Cuago Creek, at Balucanag Creek, gayundin ang Master Drainage Plan ng Infanta upang mapahusay ang daloy ng tubig at mabawasan ang panganib ng pagbaha.

Isa rin sa mga tinalakay ang rekomendasyon na maisama ang Infanta sa Oplan Kontra Baha (OKB) ng pambansang pamahalaan, isang programa ng DPWH na nakatuon sa dredging, desilting, paglilinis ng mga daluyan ng tubig at iba pang hakbang upang mapalakas ang flood mitigation sa mga flood-prone areas sa bansa.

Kasama rin sa mga panukalang proyekto ang Groyned Detailed Engineering Design para sa Infanta–General Nakar River Mouth at ang Shore Protection Project sa Barangay Dinahican, na inaasahang magsisilbing depensa laban sa coastal erosion at storm surge habang pinoprotektahan ang mga komunidad at kabuhayan sa baybayin.

Ayon sa LGU Infanta, ang isinagawang pagpupulong ay mahalagang hakbang upang maisulong ang mga imprastrakturang magpapalakas sa resiliency ng bayan laban sa mga epekto ng matitinding pag-ulan, pagbaha, at iba pang sakuna, kasabay ng layuning matiyak ang mas ligtas na kinabukasan para sa mga residente ng Infanta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved