Mahigit 8,000 residente mula sa mga bayan ng Real, Infanta, at General Nakar ang nakatanggap ng tig-10 kilong bigas ngayong araw sa ilalim ng Rice Subsidy Program na pinopondohan ng Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan.

Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang pamamahagi ng ayuda kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng tatlong bayan nitong nakaraang Huwebes, Hunyo 25.

Layunin ng programa na makatulong sa mga pamilyang nangangailangan at mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ng bigas.

“Lubos po tayong nagpapasalamat kay President Bongbong Marcos sa kaniyang patuloy na inisyatiba para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Governor Tan sa isinagawang distribusyon.

Ang Rice Subsidy Program ay bahagi ng pinalawak na LGSF ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., na naglalaan ng pondo sa mga lokal na pamahalaan upang makapagbigay ng libreng bigas sa mga mahihirap, near-poor, vulnerable, at iba pang karapat-dapat na pamilya sa buong bansa. Ayon sa pambansang pamahalaan, mahigit limang milyong pamilyang Pilipino ang target na makinabang sa programa ngayong 2026.

Sa ilalim ng mga alituntuning inilabas ng pamahalaan, ang mga pondong mula sa LGSF ay nakalaan para sa pamamahagi ng de-kalidad na bigas bilang tugon sa pangangailangan sa pagkain at upang mapalakas ang food security ng mga komunidad.

Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa natanggap na ayuda, na ayon sa kanila ay malaking tulong sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang mga pamilya.

Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang mga programang pangkabuhayan at serbisyong panlipunan upang matiyak na makarating sa mga mamamayan ang mga benepisyong inilaan ng pambansa at lokal na pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved