Mahigit 10,000 residente mula sa mga isla ng Perez, Alabat, at Quezon ang nakinabang sa iba’t ibang programang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa ilalim ng malawakang “Kalinga sa Mamamayan” caravan na isinagawa mula Hunyo 18 hanggang 20 sa Isla ng AlQueRez.

Sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, katuwang ang bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Third Alcala, inilapit sa mga mamamayan ang libreng serbisyong medikal, tulong pinansyal, programang pang-edukasyon, at suporta para sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Sa unang araw ng programa sa bayan ng Perez noong Hunyo 18, umabot sa 2,677 residente ang nabigyan ng medical consultation, dental at optical services, laboratory services, bukol screening, libreng gamot, at iba pang serbisyong pangkalusugan. Kasabay nito, naghatid din ng tulong pinansyal ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at nagsagawa ng serbisyong beterinaryo ang Office of the Provincial Veterinarian para sa mga alagang hayop ng mga residente.

Noong Hunyo 19 sa bayan ng Alabat, muling naihatid ang programang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” kung saan 2,040 mamamayan ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong medikal. Nagbigay rin ng karagdagang ayuda ang PSWDO para sa mga nangangailangan ng gamot habang nagsagawa rin ng libreng serbisyong beterinaryo para sa mga residente.

Samantala, tinatayang 3,260 residente naman sa bayan ng Quezon ang nahatiran ng libreng serbisyong medikal noong Hunyo 20. Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang konsultasyon, dental at optical services, laboratory services, at pamamahagi ng libreng gamot. Nakiisa rin ang Provincial Treasurer’s Office (PTO) at PSWDO sa paghahatid ng tulong pinansyal para sa mga benepisyaryo.

Bukod sa serbisyong pangkalusugan, maraming residente rin ang nakinabang sa mga programang Strengthening Access to Education College Assistance Program (STAN-C), Educational Assistance, at STAN Kalinga sa Mamamayan Tulong Pinansyal mula sa Kapitolyo. Layunin ng mga programang ito na matulungan ang mga mag-aaral na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at mabigyan ng suporta ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang ayuda.

Nagkaroon din ng serye ng konsultasyon ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa mga magsasaka, magniniyog, at mangingisda sa mga bayan ng Perez, Alabat, at Quezon. Personal na pinakinggan ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ang mga hinaing ng mga residente, kabilang ang kakulangan sa puhunan at kagamitan para sa kanilang kabuhayan.

Kasabay ng mga konsultasyon ay namahagi ang OPA ng iba’t ibang agricultural inputs sa mga samahan ng magsasaka at mangingisda upang makatulong sa pagpapalakas ng kanilang produksyon.

Naipatupad din ang programang “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamot at Nutrisyon para sa Barangay” kung saan ipinamahagi ang mga gamot at bitamina para sa mga bata, senior citizen, at iba pang residente ng isla.

Ayon kay Governor Helen Tan, mahalagang marinig mismo ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda upang maihanda ang kinakailangang pondo at makapaglatag ng mga programang tutugon sa kanilang mga suliranin.

“After po ng consultation n’yo, doon po ilalatag sa Kapitolyo para po sa paghahanda ng pondo, kung ano po ang kailangang pondohan para sa mangingisda at magsasaka,” ani Tan.

Patunay ang mga programang ito ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na mailapit ang mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan, lalo na sa mga komunidad sa malalayong isla, upang matiyak na walang maiiwan sa pag-unlad at serbisyong pampubliko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved