Naging makulay ang pagdiriwang ng Pride Month sa idinaos na Rainbow Pride Parade 2026 sa Event Center ng SM City Lucena ngayong Sabado, Hunyo 27, na nagsilbing pagdiriwang ng pagkakapantay-pantay, pagmamahalan, at malayang pagpapahayag ng sarili.
Nagtipon ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community, kanilang mga kaibigan, pamilya, at mga tagasuporta upang ipakita ang pagkakaisa sa pagsusulong ng pagtanggap, respeto, at inclusivity para sa lahat.
Naging tampok sa programa ang makulay na parada, stage presentation, at mga kahanga-hangang pagtatanghal ng drag queens na nagbigay ng saya at inspirasyon sa mga dumalo. Binalot ng makulay na kasuotan, watawat ng bahaghari, at masiglang musika ang buong venue bilang simbolo ng pagmamalaki at pagtanggap sa iba’t ibang identidad at oryentasyon.
Bahagi ang Rainbow Pride Parade ng mga aktibidad ng SM Supermalls para sa pagdiriwang ng Pride Month, kung saan sabay-sabay na nagsagawa ng kahalintulad na selebrasyon ang ilang SM malls sa bansa bilang pagpapakita ng suporta sa LGBTQIA+ community.
Sa pamamagitan ng naturang programa, muling binigyang-diin ang kahalagahan ng paggalang sa pagkakaiba-iba, pagsusulong ng pantay na oportunidad, at paglikha ng isang komunidad na bukas sa lahat anuman ang kanilang kasarian, identidad, o sekswal na oryentasyon.
