Mahigit 1,000 mag-aaral mula sa Mauban, Pagbilao at Tayabas City ang nakatanggap ng educational assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa ilalim ng Scholarship and Educational Assistance Program (STAN-C) sa ginanap na payout nitong Martes, Hulyo 14, sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal sa 1,073 benepisyaryong estudyante, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng oportunidad ang mga kabataang Quezonin na maipagpatuloy at matapos ang kanilang pag-aaral sa kabila ng mga hamon sa pananalapi.
Ang STAN-C ay isa sa mga pangunahing scholarship at educational assistance programs ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na naglalayong suportahan ang mga estudyanteng nangangailangan ng tulong pinansiyal upang makapagpatuloy sa kanilang edukasyon. Bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya ng administrasyong Tan na gawing mas abot-kamay ang edukasyon para sa bawat pamilyang Quezonin.
Sa kanyang mensahe, muling iginiit ni Governor Tan ang kahalagahan ng edukasyon bilang susi sa pag-unlad ng bawat kabataan at ng buong lalawigan.
Aniya, nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng suporta sa mga mag-aaral upang walang kabataang mapipilitang huminto sa pag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa pinansiyal na kakayahan.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang iba’t ibang programang pang-edukasyon at scholarship bilang bahagi ng layunin nitong makalikha ng mas maraming propesyonal at produktibong mamamayan na magiging katuwang sa patuloy na pag-unlad ng lalawigan.
