Pinalakas pa ang serbisyong pangkalusugan sa apat na barangay sa bayan ng Padre Burgos matapos ipagkaloob ng AboitizPower–Therma Luzon, Inc. (TLI) ang mga kahon ng mahahalagang gamot at kagamitang medikal sa ilalim ng TLI 2026 Medical Assistance Program, isang Corporate Social Responsibility (CSR) initiative na naglalayong mapalawak ang access ng mga komunidad sa pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Isinagawa ang turnover ceremony kahapon, Hulyo 10 sa Padre Burgos Covered Court kung saan opisyal na tinanggap ng mga benepisyaryong barangay ang mga medical assistance package. Kabilang sa mga nakinabang ang Barangay Lipata sa pangunguna ni Punong Barangay Walter Rabano, Barangay Sipa sa pamumuno ni Punong Barangay Juvenal Flancia, Barangay Tulay Buhangin sa ilalim ni Punong Barangay Melben Uy Diokno, at Barangay Rizal na pinamumunuan ni Punong Barangay Eleanor de Luna.

Ayon sa TLI, layunin ng programa na makatulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan. Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan ng Aboitiz Foundation, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mga programang nagbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa mga host at kalapit na komunidad.

Nagpasalamat din ang TLI sa mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan ng Padre Burgos sa kanilang pakikiisa at suporta sa programa. Binigyang-diin ng kumpanya na ang pamumuhunan sa kalusugan ng mamamayan ay mahalagang hakbang tungo sa pagbuo ng mas matatag, mas ligtas, at mas maunlad na mga pamayanan.

Ang Therma Luzon, Inc., isang subsidiary ng AboitizPower na patuloy na nagsasagawa ng mga programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at pagpapaunlad ng mga komunidad bilang bahagi ng kanilang CSR commitment.

Photos courtesy of Rupert Vito

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved