Isang malaking hakbang para sa mas abot-kayang edukasyon ang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon matapos inspeksyunin nina Governor Doktora Helen Tan at Polytechnic University of the Philippines (PUP) President Manuel Muhi ang planong pagtatayuan ng bagong PUP campus sa Brgy. Tumbaga I, Sariaya.

Layunin ng proyekto na mailapit ang libreng dekalidad na edukasyon sa mga kabataang Quezonian partikular sa mga Sariayahin, kung saan inaasahang mag-aalok ang bagong campus ng iba’t ibang degree programs upang mas maraming estudyante ang makapagpatuloy sa kolehiyo nang hindi na kailangang lumayo sa kanilang mga tahanan.

Sa isinagawang pagbisita, personal na sinuri nina Governor Tan at President Muhi ang posibleng lokasyon ng unibersidad upang matiyak ang kaangkupan ng lugar at mapalawak pa ang mga plano para sa pagpapatayo ng pasilidad.

 

Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, bunga ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng lalawigan at ng PUP upang mapalawak ang access sa pampublikong mataas na edukasyon sa Quezon.

Kapag natuloy ang proyekto at natapos ang konstruksyon, magiging ikalimang campus na ng PUP sa lalawigan ng Quezon ang itatayo sa Sariaya, na inaasahang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa edukasyon at pag-unlad ng kabataang Quezonian.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved