Nagsagawa ng Committee En Banc Hearing ang Sangguniang Panlalawigan ng Quezon nitong Lunes, Hulyo 6 sa Session Hall ng SP Building upang talakayin ang lumalalang suliranin sa suplay ng tubig at mga iniulat na iregularidad sa distribusyon ng serbisyo sa mga lugar na sakop ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD) at PrimeWater.

Isinagawa ang pagdinig bilang tugon sa mga isyung inilahad sa Privilege Speech ni Bokal Julius Luces ng Unang Distrito sa Sangguniang Panlalawigan hinggil sa nararanasang kakulangan ng suplay ng tubig at mga reklamo ng mga residente sa mga Lungsod ng Lucena at Tayabas, mga bayan ng Mauban, Pagbilao, at Atimonan.

Layunin ng Committee En Banc na makakalap ng sapat na impormasyon, pinakahuling datos, at mga paglilinaw mula sa mga kinauukulang ahensya at water service provider na PrimeWater at QMWD upang matukoy ang mga ugat ng problema at makapaglatag ng mga angkop na hakbang para sa agarang pagtugon sa krisis.

Pinangunahan ang pagdinig ni Bokal Angelo Eduarte, Chairman ng Committee on Environment, Climate Change, and Disaster Resiliency. Dumalo rin sina Bokal Vinnette Alcala-Naca, Bokal Doc Kim Tan, Bokal Julius Jay Luces, Bokal Sam Nantes, Bokal Meg Esguerra, Bokal John Joseph Aquivido, Bokal Harold Butardo, at Bokal Thelma Aumentado.

Nakiisa rin sa pagdinig ang mga alkalde, bise alkalde, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan mula sa mga apektadong lokal na pamahalaan.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng PrimeWater upang magbigay ng update, sagutin ang mga katanungan, at magpaliwanag hinggil sa mga isyung ibinabato sa kanilang serbisyo.

Sa nagdaang mga buwan, naging sentro ng mga reklamo ng mga consumer ang madalas na pagkawala ng tubig, mahinang daloy, at hindi regular na distribusyon ng suplay sa ilang bahagi ng Quezon.

Dahil dito, iginiit ng mga opisyal ng lalawigan ang pangangailangang magkaroon ng malinaw na paliwanag at konkretong plano mula sa mga kinauukulang water utility upang matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na serbisyo sa publiko.

Inaasahan na magsisilbing batayan ang mga impormasyong nakalap sa Committee En Banc Hearing sa pagbuo ng mga rekomendasyon at posibleng mga hakbang ng Sangguniang Panlalawigan upang matugunan ang nararanasang krisis sa suplay ng tubig sa lalawigan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved