Sa gitna ng mabilis na paglawak ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa edukasyon at iba pang larangan, mahigit 100 Grade 12 students ng Talipan National High School ang hinikayat na maging responsable, mapanuri, at etikal na gumagamit ng teknolohiya sa isinagawang symposium na “AI Learn, You Learn: The Ethical Use of Artificial Intelligence on the Modern World” nitong Biyernes, Hulyo 10.
Layunin ng programa na ihanda ang mga kabataan sa makabagong panahon nang hindi isinasantabi ang kritikal na pag-iisip, integridad, at responsableng paggamit ng AI.
Pinangunahan ang aktibidad ng Kaya Natin! Youth (KNY) Pagbilao sa pakikipagtulungan ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao sa pangunguna ni Vice Mayor Wally Dapla at Supreme Secondary Learner Government (SSLG) ng Talipan National High School.
Ayon kay KNY Pagbilao Chairperson Michael Jo Maac, hindi masama ang paggamit ng Artificial Intelligence kung ito ay ginagamit nang may pananagutan.
“Hindi masamang gumamit ng AI. Ang mahalaga ay matutunan nating maging responsible AI users,” ani Maac.
Binigyang-diin naman ni Talipan National High School Principal Marina Abueva ang kahalagahan ng wastong paggabay sa mga mag-aaral upang hindi lubusang umasa sa AI sa kanilang pag-aaral. Nagpasalamat din siya sa KNY Pagbilao at kay Vice Mayor Dapla sa pagsasagawa ng makabuluhang programa para sa mga estudyante.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala naman ni Vice Mayor Dapla na bagama’t mahalagang kasangkapan ang Artificial Intelligence, hindi ito dapat maging kapalit ng kakayahan at talino ng tao.
Aniya, nararapat yakapin ang teknolohiya at samantalahin ang mga benepisyong dulot nito, subalit kailangang manatiling responsable sa paggamit nito.
Hinikayat din niya ang mga estudyante na paunlarin ang kanilang kakayahan sa AI dahil lumalaki ang pangangailangan sa mga AI developers at iba pang propesyong may kaugnayan dito.
Naging resource speakers sa symposium sina Kim Davis De Leon, Chairperson ng KNY Lucena, at Engr. Reign Jansen De Silva, na nagbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa Artificial Intelligence, tamang paggamit nito, at ang kahalagahan ng pagpapanatili ng human skills sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
