Pormal nang binuksan ng Lokal na Pamahalaan ng Mauban ang Maubanog Festival 2026 noong Hulyo 7, hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang na naglalayong itampok ang mayamang kultura, tradisyon, turismo at kabuhayan ng mga Maubanin.

Sa temang “Kulturang Buhay, Kayamanang Tunay!”, layunin ng festival na ipakita ang mga pamana ng kalikasan at kulturang patuloy na nagbibigay-buhay sa pamumuhay ng mga mamamayan ng Mauban, kasabay ng pagsusulong ng lokal na turismo at ekonomiya.

Sinimulan ang opisyal na pagbubukas sa pamamagitan ng Banal na Misa, na sinundan ng Flag Ceremony at Opening Salvo sa Saint Bonaventure Plaza sa pangunguna ng Mauban Tourism Office sa pamumuno ni Dr. Angelo Shan Mendoza.

Pinangunahan naman ni Mayor Erwin “Ninong” Pastrana ang opening ceremony kasama sina Vice Mayor Alween Sardea, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga kinatawan ng uniformed services, mga katuwang mula sa sektor ng edukasyon, at mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Mauban.

Bilang bahagi ng programa, binisita ng mga opisyal ang mga Maubanog Booths, kung saan tampok ang iba’t ibang produktong lokal, pagkaing Maubanin, at mga likhang-kamay na sumasalamin sa kasipagan, pagkamalikhain, at mayamang kultura ng bayan.

Nakibahagi rin sa pagbubukas si DTI Quezon Provincial Director Julieta L. Tadiosa bilang pagpapakita ng suporta ng Department of Trade and Industry sa mga lokal na negosyante at micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng Mauban.

Ayon kay Mayor Pastrana, hangad ng lokal na pamahalaan na maging instrumento ang Maubanog Festival sa patuloy na pagpapanatili ng kulturang Maubanin, pagpapalakas ng turismo, at pagbibigay ng pagkakataon sa mga mamamayan na maipakita ang kanilang talento, husay, at pagkamalikhain.

Nagsimula ang mga aktibidad ng festival noong Hulyo 3 at magtatagal hanggang Hulyo 16. Tampok sa selebrasyon ang iba’t ibang paligsahan, cultural presentations, sports events, livelihood programs, trade fair, mga parada, at serbisyong pangkomunidad na inaasahang lalahukan hindi lamang ng mga residente kundi maging ng mga balikbayan at mga turistang bibisita sa bayan.

Sa pamamagitan ng Maubanog Festival 2026, inaasahang higit pang mapapalakas ang pagkakaisa ng komunidad habang naipapakilala sa mas maraming bisita ang natatanging kasaysayan, kultura, at likas na yaman ng Mauban—mga kayamanang nagsisilbing mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng bayan at ng lalawigan ng Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved