Nagtungo nitong Hulyo 23 si Governor Doktora Helen Tan sa tanggapan ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr. upang hilingin ang karagdagang pondo para sa pagpapatuloy at agarang pagpapatapos ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center na itinatayo sa Barangay Potol, Lungsod ng Tayabas.
Bukod dito, hiniling din ng gobernador ang pagdaragdag ng doktor para sa Quezon Provincial Hospital Network (QPHN) CM Recto sa Infanta upang higit na mapalakas ang serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng Polillo Islands at REINA area.
Ayon kay Gov. Tan, umaasa siyang mabibigyan ng positibong tugon ng Department of Health ang mga kahilingang ito upang mapabilis ang pagkumpleto ng multi-specialty medical center at mapunan ang pangangailangan sa mas maraming manggagamot sa QPHN-CM Recto.
Ang Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center ay isang DOH hospital na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11702. Inaasahan itong magsisilbing pangunahing referral hospital para sa Quezon at iba pang lalawigan sa Timog Luzon kapag ganap nang natapos ang konstruksyon.
