Pinalalakas pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagpapaunlad ng mga pantalan sa lalawigan matapos ang naging pulong nina Governor Doktora Helen Tan at PPA General Manager Atty. Jay Santiago upang talakayin ang mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura na inaasahang magpapasigla sa ekonomiya at turismo ng Quezon.

Kabilang sa mga pangunahing napag-usapan ang pagpapabuti ng Plaridel/Siain International Seaport, ang planong pagtatayo ng mga bagong pantalan sa mga bayan ng Catanauan at San Narciso, at ang pagpapalawak ng San Andres Seaport upang mapalakas ang konektibidad at kalakalan sa lalawigan.

Nagpasalamat din si Governor Tan sa pamunuan ng PPA sa patuloy na suporta nito sa modernisasyon ng Port of Lucena. Bahagi ng mga planong isasakatuparan sa daungan ang pagtatayo ng Pahiyas Village, isang bagong pasalubong at vendors’ area na magbibigay ng mas maayos at mas maginhawang pwesto para sa mga lokal na negosyante at MSMEs upang maipagbili ang mga produktong gawa sa Quezon.

Kasama rin sa mga nakaplanong pagpapahusay ang paglalagay ng shuttle at passenger buses na magsisilbing point-to-point transport service upang maging mas maginhawa ang pagbiyahe ng mga pasahero papunta at mula sa Port of Lucena.

Ang modernisasyon ng Port of Lucena ay bahagi ng mas malawak na programa ng Philippine Ports Authority at Department of Transportation (DOTr) na naglalayong mapabuti ang karanasan ng mga pasahero, mapalakas ang kalakalan, at suportahan ang paglago ng ekonomiya sa mga rehiyon.

Ayon kay Governor Tan, bunga ang mga proyektong ito ng matatag na ugnayan at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga national government agencies tulad ng PPA at DOTr, na may layuning mapahusay ang transportasyon, makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan, at maitaas ang antas ng serbisyo sa mga Quezonin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved