Hindi dapat maging normal na tanawin sa ating mga paaralan ang mga batang nag-aaral sa pansamantalang silid-aralan na tinatawag na “banlat,” kung saan kailangan pang gumamit ng payong upang protektahan ang sarili mula sa matinding init ng araw at pagbuhos ng ulan. Ito ang masakit na realidad na inilantad ni Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto sa gitna ng pagdinig ng Senado tungkol sa kalagayan ng mga silid-aralan sa bansa.

Sa harap ng Senate Committees on Education and Finance na pinangunahan ni Sen. Bam Aquino, mariing hiniling ni Mayor Ruanto sa pambansang pamahalaan, partikular sa Department of Education (DepEd), na kumilos agad upang tugunan ang matagal nang problema sa classroom shortage.

Ayon sa alkalde, nakapagtataka na sa kabila ng P67.9 bilyong pondo para sa classroom construction ngayong taon para sa buong bansa, wala pa ring nakikitang konkretong implementasyon ng proyekto sa Infanta matapos ang kalahati ng taon. Para sa isang bayan na may P4 milyong Special Education Fund lamang, halos imposibleng matugunan ang malaking pangangailangan sa mga paaralan.

Sa kasalukuyan, mahigit isang daang classroom backlog ang kinakaharap ng Infanta, kabilang ang 74 makeshift classrooms sa iba’t ibang paaralan. May ilan ding silid-aralan na idineklarang delikado at hindi na ligtas gamitin ng mga estudyante.

Mas nakababahala ang kalagayan ng mga mag-aaral na pumapasok sa mga pansamantalang silid na kulang sa proteksyon at maayos na pasilidad. Sa ilang paaralan, kailangang hatiin ang isang classroom gamit ang plywood upang makapaglagay ng dalawang klase.

Dahil sa mabagal na tugon, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Infanta ng sariling hakbang sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor. Sa tulong ng mga partner, nakapagpatayo ng mga silid-aralan sa Dinahican Elementary School, Binulasan Integrated School, at Tongohin Elementary School.

Ngunit ang ganitong sitwasyon ay hindi dapat nakasalalay lamang sa bayanihan. Ang pagkakaroon ng ligtas at sapat na silid-aralan ay pangunahing tungkulin ng pamahalaan.

Ayon sa EDCOM 2, umaabot na sa 165,443 ang classroom shortage sa bansa at maaaring lumala pa dahil sa libo-libong lumang gusali na nakatakdang ideklarang hindi na magagamit.

Ang panawagan ni Mayor Ruanto ay hindi lamang para sa Infanta kundi para sa lahat ng komunidad na patuloy na naghihintay ng pagbabago. Sa edukasyon, ang tunay na sukatan ng pondo ay hindi ang laki ng alokasyon, kundi kung nararamdaman ito ng mga guro at mag-aaral sa kanilang araw-araw na pag-aaral.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved