Malaking hakbang sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga responder at pagpapanatili ng kapayapaan sa bayan ng Infanta ang agarang pag-apruba sa kahilingan para sa isang bagong fire truck at police vehicle.

Ayon kay Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto, personal na inaprubahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang kanilang kahilingan matapos ang mabilis na koordinasyon, na magbibigay ng malaking tulong sa pagtugon sa mga sunog at pagpapatupad ng peace and order sa bayan.

Nagpasalamat si Mayor Ruanto sa mabilis na aksyon ng Kalihim ng DILG, na aniya ay agad tumugon sa kanyang mensahe at nagtakda ng pagpupulong upang talakayin ang pangangailangan ng bayan.

“Lubos na kahanga-hanga, isang text ko lamang, agad siyang nagbigay ng schedule para makapagpulong. At ora-mismo pagkabigay namin ng request ay agad na inaprubahan at puwede na agad makuha ang bagong fire truck at nakaproseso naman ang procurement para sa bagong police vehicle ng Infanta,” ayon kay Mayor Ruanto.

Binigyang-diin din ng alkalde na bagama’t ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ay mga ahensya ng pambansang pamahalaan, tungkulin pa rin ng lokal na pamahalaan na tiyaking mayroon silang sapat na kagamitan upang maihatid ang mabilis at epektibong serbisyo sa mga mamamayan.

Ayon pa sa alkalde, matagal nang nangangailangan ng kapalit ang mga luma at sirang fire truck ng Infanta na nahihirapan nang tumugon sa mga insidente, lalo na sa mga kabundukang lugar. Malaking hamon din aniya ang madalas na bushfire, mga sunog na dulot ng pagsusunog ng basura, at ang matinding init ng panahon na nagdudulot ng pagdami ng mga insidente ng sunog.

Sa pagdating ng bagong fire truck, inaasahang mas mapapabilis at magiging mas episyente ang pagresponde ng BFP sa mga emergency, habang ang bagong police vehicle naman ay magpapalakas sa operasyon ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong bayan ng Infanta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved