LUCENA CITY — Pormal nang sinimulan ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena, sa pangunguna ng City Tourism Office, ang paghahanda para sa pagdiriwang ng Linggo ng Lucena 2026 at ika-65 anibersaryo ng lungsod bilang isang Chartered City.
Idinaos noong Hulyo 28 ang unang pagpupulong ng Linggo ng Lucena Executive Committee sa Mini Conference Room ng Lucena Convention Center.
Sa pagpupulong, inilatag ni Linggo ng Lucena Overall Chairperson at City Tourism Office Officer-in-Charge Marianne Yap-Gallardo ang iskedyul ng mga aktibidad na isasagawa mula Agosto 14 hanggang 20.
Tinalakay rin ang mga paghahandang kinakailangan upang matiyak ang maayos, ligtas at matagumpay na pagsasagawa ng bawat programa at aktibidad para sa mga Lucenahin at mga bisitang makikiisa sa pagdiriwang.
Dumalo sa pulong sina Linggo ng Lucena Vice Chairperson at City Mayor’s Office Supervising Head Atty. Euclides Forbes, Consultant Arween Flores, mga department head, activity chairperson at mga miyembro ng secretariat.
Inaasahang tampok sa isang linggong selebrasyon ang iba’t ibang programang pangkultura, pangturismo at pangkomunidad na magpapakita sa kasaysayan, talento at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Lucena.
Magiging sentro ng pagdiriwang ang ika-65 Charter Anniversary ng lungsod sa Agosto 20 bilang paggunita sa pagkakatatag ng Lucena bilang isang lungsod sa bisa ng Republic Act No. 3271.
Patuloy namang makikipag-ugnayan ang City Tourism Office sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod para sa pinal na paghahanda at pagpapatupad ng mga nakatakdang aktibidad.
