Isang makasaysayang hakbang sa edukasyon ang sinimulan ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta matapos ilunsad ang kauna-unahang Artificial Intelligence (AI)-powered Learning Management System (LMS) sa mga pampublikong paaralan sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Sa halip na sa mga paaralang nasa sentro ng bayan, unang ipinagkaloob ang teknolohiyang ito sa mga mag-aaral ng pinakamalalayong paaralan sa Barangay Magsaysay, kabilang ang New Little Baguio Elementary School at Kiborosa Elementary School.

 

Personal na pinangunahan ni Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto ang pamamahagi ng 104 learning tablets sa mga mag-aaral noong Hulyo 30, katuwang ang ThinkTanQ sa ilalim ng Lingap Aral Program. Ang bawat tablet ay may nakapaloob na AI-powered Learning Management System na naglalaman ng mga aralin, interactive activities, at iba pang learning materials upang magamit ng mga estudyante kahit nasa bahay at hindi makapasok dahil sa masamang panahon.

Ayon kay Mayor Ruanto, prayoridad ng kanyang administrasyon ang mga paaralang kabilang sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), na matagal nang nahaharap sa kakulangan sa access sa de-kalidad na edukasyon.

 

Aniya, ang Kiborosa Elementary School ay dating inaabot ng walong oras na lakaran ng mga guro bago marating, at bagama’t mayroon nang access road sa kasalukuyan, nananatili pa ring malaking hamon ang layo ng paaralan.

 

Ipinaliwanag din ng alkalde na ang AI-powered LMS na ginagamit sa proyekto ay kapareho ng sistemang ginagamit sa ilang kilalang pribadong paaralan at maging sa ibang bansa. Sa pamamagitan nito, maaaring magpatuloy ang pag-aaral ng mga bata saanman sila naroroon, gamit ang naka-program nang mga aralin at interactive na pagsusulit sa kanilang mga tablet.

 

Target ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng learning tablets ang may 1,500 mag-aaral sa Infanta, kung saan unang binigyang prayoridad ang mga paaralang may mababang resulta sa National Achievement Test (NAT) at Reading Literacy Assessment.

 

Bukod sa learning tablets, personal ding namahagi si Mayor Ruanto ng mga bota at payong mula sa kanyang pamilya upang makatulong sa mga batang araw-araw na dumaraan sa maputik at mahirap na daan lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

 

Ayon pa sa alkalde, magkakaroon ng pagsasanay ang ThinkTanQ para sa mga guro at magulang upang matiyak ang wastong paggamit at pangangalaga sa mga tablet. Mayroon ding kasunduan sa pagitan ng mga magulang at paaralan upang mapangalagaan ang mga kagamitang binili mula sa pondo ng bayan.

 

Kasunod nito, plano rin ng lokal na pamahalaan na dagdagan ang imprastraktura sa mga paaralan, kabilang ang karagdagang solar panels at internet connectivity sa pamamagitan ng Starlink, upang lubos na mapakinabangan ang AI learning platform.

 

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Ruanto ang pribadong sektor na makiisa sa pagpapalawak ng programa, dahil sa kasalukuyan ay humigit-kumulang 10 porsiyento pa lamang ng mga mag-aaral ang kayang mabigyan ng learning tablets dahil sa limitadong pondo.

 

Iginiit din niya na nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang malinis na pamamahala at ang pagbibigay ng pantay na oportunidad sa edukasyon, lalo na para sa mga batang nasa pinakamalalayong komunidad ng Infanta. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved