Hindi na dapat maging hadlang ang layo, kahirapan at hirap ng pagpasok sa paaralan para makasabay sa de-kalidad na edukasyon ang mga batang nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) schools sa Infanta, Quezon, kaya inilunsad ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng tablets na may AI-powered Learning Management System (LMS) para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6.
Ayon kay Infanta Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto, layunin ng programa na bigyan ng pantay na pagkakataon ang mga batang nag-aaral sa malalayong paaralan na madalas nahuhuli sa access sa serbisyo, kagamitan, learning resources at iba pang pangangailangan sa edukasyon.
Kabilang sa mga GIDA schools ang Miyunod Elementary School, kung saan umaabot sa dalawa hanggang tatlong oras ang paglalakad ng ilang estudyante upang makapasok araw-araw. Gayundin ang Cacawayan Elementary School at New Little Baguio Elementary School na malalayo ang pinanggagalingan ng mga mag-aaral.
Pinakamalayo naman ang Kiborosa Elementary School, na dati umanong inaabot ng hanggang walong oras ang paglalakbay ng mga guro bago makarating sa paaralan, habang mahaba rin ang nilalakad ng mga estudyante.
Sinabi ni Ruanto na batay sa mga datos mula sa local school board meetings, kabilang ang resulta ng National Achievement Tests at Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), nakita nilang higit na nahuhuli sa academic performance ang mga batang nasa GIDA schools.
Bukod sa layo ng paaralan, kabilang din sa mga hamon ang kahirapan, masamang panahon, pagtawid sa ilog at bundok, kakulangan sa pagkain at school supplies, hirap sa transportasyon at maagang pagtulong ng mga bata sa kanilang pamilya para maghanapbuhay.
Dahil dito, isinulong ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng AI-powered LMS na naka-install sa bawat tablet na ipinamahagi sa mga mag-aaral.
Sa pamamagitan nito, maaari umanong makapag-aral ang mga bata anumang oras at saanman sila naroroon, alinsunod sa MATATAG Curriculum ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Ruanto, karaniwang ginagamit ang ganitong teknolohiya sa mga prestihiyosong pribadong paaralan, ngunit nais ng Infanta LGU na maibigay ito nang walang gastos sa mga batang higit na nangangailangan.
Bukod sa tablets, namahagi rin ang pamilya ni Ruanto ng mga bota at payong bilang dagdag na suporta sa mga estudyante sa GIDA schools.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa ThinkTanQ, na katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng AI-powered Learning Management System.
Ayon kay Ruanto, natapos na ang pamamahagi sa lahat ng GIDA schools sa Infanta, at susunod na tututukan ang iba pang paaralang may higit na pangangailangan, kahit hindi kabilang sa GIDA classification.
Gayunman, aminado ang alkalde na limitado ang pondo ng lokal na pamahalaan kaya hindi lahat ng estudyante ay agad mabibigyan ng tablet.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga civil society organizations (CSOs), foundations, grant agencies at pribadong sektor na makiisa sa programa sa pamamagitan ng “Adopt-a-Student” initiative.
Binigyang-diin ni Ruanto na malaking tulong na ang isang tablet na may AI-powered LMS upang maiangat ang antas ng edukasyon at mabigyan ng pantay na pagkakataon ang mga batang kapos sa buhay.
Nanawagan din siya ng bayanihan para sa edukasyon, mga kabataan at kinabukasan ng bayan.
“Magbayanihan tayo para sa Edukasyon, para sa ating mga kabataan, para sa ating Kinabukasan at para sa ating Bayan! Kaya Natin!” ani Ruanto.
