Layong bigyan ng panibagong pagkakataon ang mga Persons Deprived of Liberty o PDL ang panukalang batas ni Quezon 4th District Representative Cong. Atty. Mike Tan na gawing institusyonal ang skills training program para sa mga nakakulong.

Sumailalim ngayong araw sa deliberasyon ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 3096, na naglalayong mabigyan ang mga PDL ng technical-vocational skills na maaari nilang magamit upang makahanap ng disenteng trabaho o makapagsimula ng sariling kabuhayan matapos ang kanilang pagkakakulong.

Sa sponsorship speech ni Cong. Tan, iginiit niyang hindi dapat maging katapusan ng pag-asa ang pagkakakulong, kundi simula ng tunay na rehabilitasyon.

Sa pamamagitan aniya ng edukasyon, skills training at paghahanda sa pagbabalik sa lipunan, mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga PDL na maging produktibong mamamayan at maiwasan ang muling pagkakasangkot sa krimen.

Kabilang din sa panukala ang pagtatatag ng Job Assistance Office sa bawat penal institution, gayundin ang pagbibigay ng insentibo sa mga employer na tatanggap ng mga dating PDL.

Layunin ng panukala na mabuksan ang mas maraming oportunidad para sa mga nais magsimulang muli, magkaroon ng marangal na hanapbuhay, at makatulong sa kanilang pamilya at sa pag-unlad ng bansa.

Ang panukalang ito ay kasunod ng mga hakbang ni Cong. Tan na palawakin ang access sa technical-vocational education at skills training, kabilang ang mga panukalang TESDA training at assessment centers sa ilang bayan ng Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved