Isang katutubo ang nasawi habang dalawa naman ang malubhang nasugatan matapos aksidenteng makuryente habang gumagawa ng poso sa Mabini St., Barangay Daungan, Mauban, Quezon, kamakailan.

Kinilala ang nasawi sa alyas na Eduardo, 40-anyos, trabahador at residente ng Barangay Baao, na idineklarang dead on arrival sa Mauban Health Office.

Samantala, patuloy na ginagamot sa Mauban District Hospital ang dalawa nitong kasama na sina alyas Nestor, 61, trabahador at residente ng Barangay Mabato, at alyas Ronald, 26, tricycle driver at residente ng Barangay Daungan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Mauban Municipal Police Station, dakong alas-9:15 ng umaga nang magkasamang naghuhukay ng itatayong poso ang tatlong biktima.

Ayon sa pulisya, habang ibinabaon nila nang patayo sa hinukay na balon ang isang mahabang tubong bakal, aksidenteng tumama ito sa 336-pair aluminum live wire na pag-aari ng Meralco.

Dahil dito, nakuryente ang tatlo. Nahulog naman mula sa bubong ng bahay si Eduardo matapos makuryente, habang nagawa namang gumulong palayo ng dalawa niyang kasama.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved