Isang senior citizen ang nasawi habang 11 iba pa ang sugatan matapos sumalpok ang isang pampasaherong jeep sa isang puno ng mahogany sa Barangay Bacungan, Lopez, Quezon nitong Agosto 12 ng hapon.
Ayon sa paunang imbestigasyon, patungo sana sa Buenavista ang jeep nang mawalan umano ng kontrol ang driver habang tinatahak ang isang kurbadang bahagi ng kalsada. Lumipat ang sasakyan sa kabilang linya bago tuluyang bumangga sa puno sa gilid ng daan.
Wasak ang unahang bahagi ng jeep dahil sa lakas ng impact. Dead on arrival sa pagamutan ang isang matandang babae na pasahero nito, habang nagtamo naman ng mga pinsala ang driver at 10 iba pang pasahero.
Agad dinala sa ospital ang mga sugatan para mabigyan ng kaukulang lunas.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng aksidente.