Muling binigyang-pugay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang buhay, pamana at makasaysayang ambag sa bansa ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon, Ama ng Wikang Pambansa, sa paggunita sa ika-148 anibersaryo ng kanyang kapanganakan nitong Agosto 19.

Pinangunahan nina Governor Doktora Helen Tan, Vice Governor Third Alcala, at Southern Luzon Command LtGen Cerilo C Balaoro Jr. ang seremonya bilang pagkilala sa mahalagang papel ni Quezon sa kasaysayan at sa patuloy na impluwensya ng kanyang mga adhikain sa kasalukuyang henerasyon.

Bahagi ng paggunita ang pagdaraos ng Banal na Misa at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni dating Pangulong Quezon.

Dumalo rin sa seremonya ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga alkalde mula sa una hanggang ikaapat na distrito ng lalawigan, mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, gayundin ang mga kinatawan ng mga national government agencies na katuwang ng lalawigan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Governor Tan na ang mga programa, proyekto, polisiya at mga nagawa ng kasalukuyang pamahalaang panlalawigan ay bahagi ng pagtupad sa sinumpaang tungkulin at pagpapatuloy sa mga sinimulan at ipinaglaban ni Quezon.

Hamon naman ni Governor Tan sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan ang pagkakaisa at pagtutulungan upang matiyak na ang direksyong tatahakin ng lalawigan ay nakatuon sa kapakanan ng nakararaming Quezonian.

Binigyang-diin din niya ang paninindigan ng Pamahalaang Panlalawigan na maglingkod nang may pananagutan, malasakit at inklusibong pamamahala.

 

Sa payak ngunit makabuluhang seremonya, muling ipinakita ng lalawigan na ang mga prinsipyo, adhikain at paninindigan ni Manuel L. Quezon ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga kasalukuyang pinuno sa pagsusulong ng kaunlaran at kagalingan ng mga mamamayan ng Quezon. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved