Isinagawa na ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng tatlong pangunahing pasilidad na naglalayong palakasin ang kabuhayan, edukasyon, nutrisyon at agrikultura sa bayan ng Infanta.

Kabilang sa mga itatayo ang Infanta Manpower Development and Technical-Vocational Training Center, Nutribun Production Center, at Nursery Greenhouse, na pinondohan sa ilalim ng 20% Economic Development Fund ng lokal na pamahalaan.

Layunin ng Manpower Development and Technical-Vocational Training Center na makapagbigay ng libre at de-kalidad na technical-vocational training sa mga residente, partikular sa mga kabataan, out-of-school youth at mga walang trabaho.

Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, mabibigyan ang mga benepisyaryo ng kinakailangang kasanayan at sertipikasyon na maaari nilang gamitin sa paghahanap ng trabaho, maging sa loob o labas ng bansa.

Samantala, itatayo rin ang Nutribun Production Center na nakatuon sa paggawa ng masustansya at abot-kayang pagkain para sa mga mag-aaral at bata sa Infanta.

Inaasahang makatutulong ito sa mga supplementary feeding program ng lokal na pamahalaan upang tugunan ang mga problema sa stunting o pagkabansot at wasting sa mga bata.

Bahagi rin ng proyekto ang Nursery Greenhouse, na layong suportahan at palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng produksyon ng de-kalidad na mga punla at seedlings gamit ang mga makabagong teknolohiya sa paghahalaman.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang magkakaugnay na proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng LINGAP Agenda ni Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto, na nakatuon sa pagpapalakas ng edukasyon, pangkabuhayan, kalusugan at agrikultura.

Sa pagtatayo ng mga pasilidad, inaasahang mas maraming Infantahin ang magkakaroon ng access sa libreng pagsasanay at oportunidad sa trabaho, habang mapalalakas naman ang mga programang pangnutrisyon at pang-agrikultura ng bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved