Anak mismo ng negosyanteng pinaslang ang itinuturong nasa likod ng planadong pagpatay sa kaniyang ama at live-in partner nito sa Barangay Bagong Bayan, Mauban, Quezon noong Agosto 27, 2026.
Kinilala sa alyas na “Ineng” ang suspek na sangkot umano sa pagbuo ng plano upang patayin ang kaniyang ama na si alyas Nelson, negosyante at may-ari ng isang hotel-resort sa Mauban, at ang live-in partner nitong si alyas Remy.
Batay sa ikalawang progress report ng Mauban Municipal Police Station, lumitaw sa patuloy na imbestigasyon na nag-alok umano si Ineng ng ₱250,000 kay alyas “Kim” upang patayin o “i-neutralize” ang kaniyang ama.
Nang hindi umano natuloy ang alok kay Kim, isang alyas “Mervin” naman ang pumayag na isagawa ang krimen kapalit ng ₱100,000.
Ayon sa pahayag ni Mervin sa kustodiyal na imbestigasyon, inalok umano siya ni alyas “Kim” na gawin ang pagpatay. Lumitaw din na may iba pang indibidwal na sangkot sa operasyon, kabilang si alyas “Rambo” na nagsilbing lookout at alyas “Bunganga,” na patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad.
Samantala, sinabi ng Mauban Police na sumuko si Ineng sa himpilan bandang alas-3 ng hapon noong Agosto 31. Sa kaniyang pahayag, sinabi umano niyang nakumbinsi siya ni alyas “Bunganga” na makipagkita kay alyas “Kim” upang pag-usapan ang isang mahalagang bagay.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang eksaktong motibo sa krimen, ngunit problema sa pamilya at relasyon ang isa sa mga tinitingnang dahilan sa likod ng planadong pagpaslang.
Ayon kay PMAJ Hubert Reuben D. Jabrica, hepe ng Mauban Municipal Police Station, inihahanda na ang mga kaukulang reklamo laban sa mga suspek.
Parricide at murder ang inihahandang kaso laban kay Ineng, habang double murder naman ang inihahandang reklamo laban sa kaniyang mga umano’y kasabwat.
Patuloy ang follow-up operation ng Mauban Police upang maaresto ang iba pang suspek na nananatiling nakatakas.
