Mahigit 8,000 guro at education personnel mula sa iba’t ibang bahagi ng Quezon ang lumahok sa Quezon Educators’ Research Convention 2026 Batch 2 at Batch 3, na isinagawa noong Setyembre 12 at 13 sa Quezon Convention Center, Lucena City.

Sa Batch 2 noong Setyembre 12, mahigit 2,000 guro mula sa Jomalig, Patnanungan, Infanta, Burdeos, Real, General Nakar, Panukulan at Polillo ang dumalo kasama ang mga panauhin at Education Program Supervisors mula sa Schools Division Office of Quezon.

Samantala, mahigit 6,000 guro mula naman sa Tagkawayan, Atimonan Districts 1 and 2, Calauag, Gumaca, Lopez East and West Districts, Guinayangan North and South Districts, Plaridel, Perez, Quezon at Alabat ang nakilahok sa Batch 3 noong Setyembre 13.

Layunin ng research convention na bigyang-halaga ang mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng mga mag-aaral, habang binibigyan sila ng plataporma upang maibahagi ang kanilang mga pananaliksik, karanasan, makabagong pamamaraan sa pagtuturo at mga inobasyon sa edukasyon.

Sa pamamagitan ng presentasyon at palitan ng mga ideya, inaasahang magsisilbing gabay ang mga resulta at rekomendasyon ng mga pananaliksik sa pagbuo ng mas epektibo at angkop na estratehiya para sa pagkatuto ng mga estudyante.

Pinangunahan ang mga aktibidad nina Governor Doktora Helen Tan at Vice Governor Third Alcala, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga kinatawan ng SDO Quezon.

Bahagi rin ng Batch 3 ang pagkilala sa mga nagwaging bayan sa Palarong Quezon 2026 at mga paaralang itinanghal bilang Most Learner-Friendly School Environment, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at mga programa para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Tan na mahalaga ang papel ng mga guro hindi lamang sa akademikong pag-unlad ng mga mag-aaral kundi maging sa pagtukoy at pag-unawa sa mga hamong kanilang kinakaharap.

Sa pagtutulungan ng mga guro at iba pang education stakeholders, layunin ng lalawigan na higit pang palakasin ang isang student-centered education system na tutugon sa pangangailangan ng bawat batang Quezonian at maghahanda sa kanila para sa mas matatag at maunlad na kinabukasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved