LUCENA CITY, Quezon — Isang 72-anyos na babaeng senior citizen ang nasawi matapos ma-trap sa naganap na sunog sa Barangay Marketview, Lucena City, Quezon nitong Setyembre 15, 2026.
Ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lucena, nasa 17 kabahayan ang nilamon ng apoy na umabot sa tinatayang 500 square meters ang lawak ng naapektuhan.


Aabot naman sa 34 pamilya o 73 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa insidente. Kasalukuyan silang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center ng barangay habang inaasikaso ang kanilang pangangailangan.


Batay sa tala ng BFP, unang itinaas ang alarma ng sunog dakong 4:09 ng hapon at idineklarang fireout pagsapit ng 5:38 ng gabi matapos ang mabilisang operasyon ng mga rumespondeng tauhan.
Natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang banyo matapos ang isinagawang clearing operation ng mga awtoridad. Hindi pa agad natukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.


Agad na rumisponde sa lugar ang mga tauhan ng BFP gamit ang anim na firetruck at tinulungan ng walong auxiliary units upang mapigilan ang pagkalat pa ng apoy sa mga kalapit na bahay.


Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsalang iniwan nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved