Inihahanda ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang malawakang proyekto na layong mapabilis ang daloy ng tubig at makatulong sa pangmatagalang pagtugon sa problema ng pagbaha sa bayan.

Ayon kay Mayor Lord Arnel “L.A.” Ruanto, bubuo ng panibagong channel na mag-uugnay sa Bantilan River at Agos River sa bahagi ng Pinaglapatan. Tinatayang aabot sa 80 metro ang lapad ng planong bagong daluyan, na idinisenyo upang sumunod sa natural na daloy ng tubig.

Kaugnay nito, dumating na rin ang heavy equipment mula sa DPWH Bureau of Equipment para sa isasagawang dredging at pagpapalawak ng mga waterways, kabilang ang Bantilan River.

Nakatakda ring isulong ang karagdagang kagamitan para sa dredging at restoration ng Quago Creek at Malucanag Creek, bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang maibalik ang kapasidad ng mga pangunahing daluyan ng tubig sa Infanta.

Batay sa naunang koordinasyon ng LGU Infanta at DPWH, nakalatag na ang Master Dredging Plan para sa Agos River, Bantilan River, Cuago Creek at Balucanag Creek, gayundin ang Master Drainage Plan para sa bayan.

Noong Hunyo, nagsagawa rin ng field inspection ang DPWH Regional Office IV-A, Quezon 1st District Engineering Office at Bureau of Equipment bilang paghahanda sa mobilization ng amphibious excavator para sa dredging operations sa Infanta.

Maaaring umabot ng isang taon o higit pa ang kabuuang proyekto dahil sa lawak ng kinakailangang trabaho.

Layunin ng mga hakbang na mapalawak at maibalik ang kapasidad ng mga waterways upang mas maging episyente ang pagdaloy ng tubig at makatulong sa pagbabawas ng panganib ng pagbaha sa mga komunidad ng Infanta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved