Personal na sinuri ni Governor Doktora Helen Tan ang kasalukuyang konstruksyon ng Medical Arts Building at ang expansion ng Main Building ng QPHN–Quezon Medical Center noong Biyernes, Setyembre 18, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng kapasidad ng pangunahing pampublikong ospital ng lalawigan.
Layunin ng pagbisita ng gobernador na alamin ang kasalukuyang estado ng mga proyekto at matiyak ang patuloy na pag-usad ng mga pasilidad na inaasahang magbibigay ng karagdagang espasyo at kapasidad para sa mga pasyente.
Kapag nakumpleto, inaasahang mas mapalalawak ng Medical Arts Building at ng Main Building expansion ang kakayahan ng QPHN–QMC na maghatid ng iba’t ibang serbisyong medikal sa mga mamamayan ng Quezon.
Ang pagpapalawak ng mga pasilidad ay bahagi ng patuloy na programa ng Pamahalaang Panlalawigan na paunlarin ang imprastraktura at serbisyong pangkalusugan. Sa mga nakalipas na buwan, kabilang din sa mga isinagawa sa QPHN–QMC ang pagpapalawak ng dialysis center at pagbubukas ng bagong Oncology Unit.
Mahalaga rin ang pagpapalawak ng kapasidad ng ospital dahil naitala kamakailan ng pamunuan ng QPHN–QMC ang mataas na bilang ng mga pasyente, kung saan puno at lampas sa kapasidad ang Emergency Room at ilang ward at kuwarto ng ospital.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagpapahusay at pagpapalawak ng mga pasilidad pangkalusugan upang mas maraming Quezonian ang makinabang at mas mailapit ang kinakailangang serbisyong medikal sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
