PAGBILAO, Quezon — Patay ang isang pasahero matapos maipit sa loob ng bus na nasangkot sa vehicular accident sa Maharlika Highway, Brgy. Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon, Huwebes ng hapon, Mayo 28, 2026.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng bus ang northbound lane nang umano’y mawalan ito ng preno habang nasa pababa at pakurbadang bahagi ng kalsada.
Dahil dito, kinabig ng driver ang bus pakaliwa patungo sa bahagi ng isang car wash area, kung saan nito nabangga ang isang nakaparadang tricycle bago tuluyang sumalpok sa puno ng niyog.
Nakaligtas naman ang driver, conductor at iba pang pasahero ng bus, subalit isang pasahero ang naipit ang ibabang bahagi ng katawan kaya agad nagsagawa ng extraction procedure ang mga rescuer.
Isinugod pa sa pagamutan ang biktima, ngunit idineklara rin itong patay kinalaunan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong detalye ng aksidente.
