Nauwi sa mainit na diskusyon ang deliberasyon ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao sa pangunguna ni Vice Mayor Wally Dapla sa panukalang taunang badyet para sa 2027 noong Oktubre 22 sa Don Claro M. Recto Hall, matapos kuwestiyunin ang umano’y pagkakaiba ng mga teknikal na espesipikasyon ng mga sasakyang binili ng lokal na pamahalaan at ng mga nakasaad sa mga dokumentong inaprubahan ng konseho.
Ayon kay Vice Mayor Dapla, base sa mga nakalap na mga dokumento ay may iregularudad o pagkakaiba sa inaprubahan espisipikasyon kumpara sa mga sasakyang aktuwal na naihatid at tinanggap ng lokal na pamahalaan.
Iginiit ng opisyal na kailangang malinawan kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa mga espesipikasyon at kung may kaukulang pahintulot o pag-apruba bago tanggapin ang mga sasakyan.
Binanggit din nito ang kahalagahan ng pagiging maaasahan ng mga sasakyan, bukod sa laki at iba pang teknikal na katangian, gayundin ang pangangailangan ng transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa panig naman ng mga opisyal na dumalo sa pagdinig, ipinaliwanag na dumaan sa proseso ng procurement ang pagbili ng mga sasakyan. Binanggit din ang pagkakaroon umano ng supplemental bulletin upang matiyak na hindi nakatali sa isang partikular na tatak ang mga espesipikasyon at mabigyan ng patas na pagkakataon ang mga supplier na lumahok sa bidding.
Gayunman, iginiit ng konseho na dapat ding malinawan kung ang anumang pagbabago sa mga teknikal na espesipikasyon ay kinakailangang ibalik sa Municipal Development Council at Sangguniang Bayan para sa kaukulang pag-apruba.
Isa pang naging usapin ang umano’y kakulangan ng mga dokumentong hinihingi ng konseho kaugnay ng naturang pagbili. Ayon kay Dapla, nakapagsumite na siya ng liham na humihingi ng technical report sa Bids and Awards Committee (BAC), ngunit wala pa umano siyang natatanggap na tugon.
Nangako naman ang isang opisyal na rerepasuhin ang mga rekord upang matukoy ang dahilan ng pagpapalit ng tatak ng water tanker at nangakong magbibigay ng update sa susunod na linggo.
Bukod sa water tanker at anim na dump truck, tinalakay rin ang distribusyon ng mga sasakyan sa mga barangay. Kinumpirma ng mga opisyal na naipamahagi na ang anim na dump truck sa Barangay Ibabang Polo, Silangang Malicboy, Binhaan, Ibabang Palsabangon, Bantigue at Alupaye.
Sa pagdinig, sinabi rin na kamakailan lamang naipamahagi sa mga kinauukulang barangay ang kanilang mga kopya ng notarized deed of donation upang makatulong sa paglilipat ng rehistro ng mga sasakyan at sa paglalaan ng pondo para sa maintenance at gasolina.
Naging mainit ang palitan ng mga pananaw nang mabanggit ang posibilidad ng hindi pagtutugma ng aktuwal na mga sasakyan at ng mga teknikal na espesipikasyong nakasaad sa mga dokumento. Gayunman, wala pang pinal na konklusyon sa pagdinig hinggil sa mga alegasyon, at kinakailangan pang masuri ang mga kaugnay na dokumento upang malinawan ang mga isyung napag-usapan.
