Patunay ng lumalakas na kampanya laban sa malnutrisyon, pasok sa Top 19 finalists ng 2026 Galing Pook Awards ang programang “Tamang Aksyon sa Nutrisyon” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan.

Nakuha ng programa ang puwesto sa hanay ng mga natatanging local governance initiatives mula sa humigit-kumulang 200 entries sa buong bansa, bilang pagkilala sa mga makabagong hakbang na naglalayong mapabuti ang nutrisyon at kalusugan ng mga mamamayan.

Inilunsad noong 2022, layunin ng Tamang Aksyon sa Nutrisyon na labanan ang malnutrisyon sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, pagpapalawak ng serbisyong pangnutrisyon, at pagbibigay-prayoridad sa kalusugan ng mga ina, sanggol at bata, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay.

Batay sa impormasyong inilabas tungkol sa programa, bumaba sa 9.88% noong 2025 ang kaso ng stunting o pagkabansot sa mga bata, mula sa 17.11% noong 2021. Bumaba rin sa 4.94% ang prevalence ng underweight o kulang sa timbang, mula sa dating 8.20%.

Kabilang sa mga layunin ng programa ang pagpapalawak ng access sa masustansyang pagkain, serbisyong pangkalusugan at edukasyong pangnutrisyon, partikular para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

Samantala, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonya ng pagkilala sa mga natatanging local government units sa Malacañang noong Miyerkules, Oktubre 21, para sa 2026 Galing Pook Awards na may temang “Islands of Hope: Local Innovations, National Inspiration.”

Bagama’t hindi kabilang sa sampung pangunahing nagwagi ang pagiging finalist, kinikilala ang pagkakasama ng Tamang Aksyon sa Nutrisyon sa Top 19 bilang mahalagang hakbang sa patuloy na pagsusulong ng mas malusog na komunidad sa lalawigan ng Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved