Nagpahayag ng matinding pag-aalala si Councilor Deony Dapla kaugnay sa umano’y patuloy na pagkasira ng kalikasan at banta sa agrikultura sa bayan ng Pagbilao, sa kanyang privilege speech sa ika-36 na Regular Session ng Sangguniang Bayan nitong Marso 17, 2026.

Ayon kay Dapla, personal niyang nasaksihan ang pagbabago sa kalagayan ng kapaligiran sa ilang barangay tulad ng Ikirin, Pinagbayanan, Ibabang Palsabangon, Binahaan, Kanlurang Malicboy hanggang Ibabang Polo. Aniya, kapansin-pansin ang pagkawala ng dating luntiang kapaligiran at ang pagdami ng mga lugar na isinasailalim sa clearing, leveling, at quarrying.

Partikular niyang binigyang-diin ang patuloy na operasyon ng quarry sa Ibabang Palsabangon na aniya’y nagdudulot ng panganib sa mga residente, lalo na’t matatagpuan ito malapit sa paanan ng bundok kung saan naroon din ang highway at mga kabahayan. Mayroon din umanong bagong bukas na quarry site na malapit pa sa isang elementary school at subdivision sa nasabing lugar.

Sa bahagi naman ng Binahaan at Kanlurang Malicboy, iniulat ni Dapla ang patuloy na soil movement at land development ng isang kumpanya na umano’y wala pang kumpletong reclassification ng lupa para sa naturang proyekto.

Binigyang-babala ng konsehal ang posibleng epekto nito sa bayan, kabilang ang pagkasira ng balanse ng kalikasan, banta sa food security, paglala ng climate change effects, flash floods, erosion, at siltation ng mga ilog at karagatan. 

Dagdag pa niya, maaari rin itong magdulot ng mas matinding pinsala sa oras ng kalamidad dahil sa pagkawala ng natural na proteksyon ng kapaligiran.

Hindi naman aniya tutol ang konsehal sa pagpasok ng mga mamumuhunan, subalit iginiit niyang kailangang magkaroon ng balanse at masusing pagsusuri kung ang mga proyektong ito ay tunay na pakikinabangan ng bayan o magdudulot lamang ng pangmatagalang problema.

Dahil dito, nanawagan siya ng isang consultation meeting kasama ang iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan upang suriin ang legalidad ng operasyon ng mga negosyo, kabilang ang mga permit at dokumentong hawak ng mga ito.

Hiniling din ng konsehal na pag-aralan kung sapat ba ang kita ng bayan kumpara sa pinsalang dulot sa kalikasan at agrikultura.

Samantala, binigyang-diin ni Dapla na kung hindi maaaksyunan sa lokal na antas ang isyu, handa siyang dalhin ito sa mas mataas na kinauukulan sa Maynila upang humingi ng agarang aksyon.

Si Dapla, na isang kilalang environmental advocate at dating opisyal ng DENR CENRO, ay nananawagan ng pagkakaisa ng mga opisyal at mamamayan upang maprotektahan ang kalikasan at maiwasan ang mas malalang sakuna sa hinaharap.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved