Ang pagdedeklara ng pamahalaan ng state of
national energy emergency ay malinaw na pag-amin na ang patuloy na pagtaas ng presyo
ng langis sa pandaigdigang merkado ay may seryosong banta sa bansa. Sa gitna ng
tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, muling nahaharap ang Pilipinas
sa katotohanang wala itong sapat na pananggalang laban sa mga panlabas na
krisis sa enerhiya.
Hindi lamang ito usapin ng pagtaas ng presyo
ng gasolina. Kapag nagkulang ang suplay ng fuel, naaantala ang transportasyon,
paghahatid ng pagkain, pagpasok ng suplay sa agrikultura, at maging ang takbo
ng produksyon sa mga pabrika. Sa ganitong sitwasyon, ang inflation ay hindi na
lamang nasusukat sa datos; ito ay nagiging araw-araw na pasanin ng mga
pamilyang Pilipino.
Bilang bansang umaasa sa imported na langis,
hindi maaaring magkunwari ang Pilipinas na ligtas ito sa pandaigdigang
kaguluhan. Bawat pagtaas ng presyo ng krudo ay direktang tumatama sa pasahe,
bilihin, at singil sa kuryente. Ang pinakamalaking naaapektuhan ay ang
karaniwang mamamayan na matagal nang nakikibaka sa mataas na gastusin at
mababang kita.
Kaya’t ang deklarasyon ng energy emergency ay
hindi dapat manatili sa salita lamang. Nararapat itong samahan ng agarang
hakbang upang mapatatag ang suplay ng enerhiya, mapigil ang labis na pagtaas ng
presyo, at maprotektahan ang mga sektor na unang tinatamaan ng krisis.
Dagdag pa rito, ipinakikita ng kasalukuyang
sitwasyon ang matagal nang kakulangan ng bansa sa isang matatag at
pangmatagalang polisiya sa enerhiya. Sa tuwing may krisis sa pandaigdigang
merkado, agad na nalalantad ang kahinaan ng ating sistema at ang labis na
pag-asa sa mga suplay na nagmumula sa labas ng bansa. Sa halip na maagap na
paghahanda, kadalasa’y pansamantalang pagtugon lamang ang naipapakita, bagay na
lalong nagpapahirap sa mga sektor na direktang umaasa sa murang langis at
tuloy-tuloy na serbisyo.
Hindi rin dapat kaligtaan na ang epekto ng
krisis sa enerhiya ay higit na mabigat sa mahihirap na mamamayan. Habang may
kakayahan ang iilan na saluhin ang pagtaas ng gastusin, ang nakararami ay
napipilitang magbawas ng pagkain, isantabi ang ibang pangunahing
pangangailangan, at magtiis sa araw-araw na pangamba. Kung kaya, ang usapin ng
enerhiya ay hindi lamang problemang pang-ekonomiya kundi isang malinaw na
usapin ng katarungang panlipunan na nararapat tugunan nang may malasakit at
pananagutan.
Sa huli, ang energy emergency ay isang babala:
hangga’t nananatiling labis ang ating pagdepende sa inaangkat na langis,
mananatiling marupok ang ating ekonomiya at bulnerable ang sambayanang Pilipino
sa bawat sigalot sa daigdig.
