Masigla at makulay na ipinagdiwang ng mga residente ng San Francisco, Quezon ang Buwig-Buwig Festival 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan at taunang kapistahan ngayong buwan ng Abril.
Nagsimula ang pagdiriwang sa serye ng mga aktibidad mula Abril 21 hanggang Abril 30, tampok ang mga patimpalak, programang pangkultura, at mga pagtatanghal ng talento ng mga mamamayan. Kabilang sa mga itinampok ang “Buwig ng Talino at Talento,” agri-tourism booth competition, gabi ng kasiyahan, at iba pang patimpalak na nagpapakita ng galing at pagkakaisa ng mga San Franciscan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng Buwig-Buwig Festival na maipamalas ang mayamang kultura, tradisyon, at pagkakakilanlan ng bayan habang pinatitibay ang pagkakaisa ng komunidad.
Tampok din sa pagdiriwang ang mga produktong lokal, pagkain, at likhang-kamay na sumasalamin sa sipag at pagkamalikhain ng mga mamamayan ng San Francisco.
Dinumog naman ng mga residente at bisita ang iba’t ibang venue ng festival, lalo na sa mga gabi ng pagtatanghal at paligsahan, na naghatid ng saya at sigla sa buong bayan. Itinuturing ang Buwig-Buwig Festival bilang isa sa mga pinakaaabangang selebrasyon sa bayan taun-taon.
