Masayang ipinagdiwang nitong Abril 26, ang Fiesta sa Ilog bilang isa sa mga tampok na aktibidad ng Bulihan Festival 2026 sa bayan ng Sampaloc, Quezon.
Pinangunahan ni Mayor Nikko Devanadera ang nasabing selebrasyon na dinaluhan ng daan-daang residente at mga bisita mula sa karatig-bayan. Idinaos ang aktibidad sa ilog ng bayan kung saan tampok ang pagtatanghal ng ilang banda, sayawan, kantahan at salu-salo ng mga pamilya at magkakaibigan bilang bahagi ng tradisyunal na pagdiriwang.
Layunin ng Fiesta sa Ilog na itampok ang likas na yaman ng Sampaloc at ang matibay na pagkakaisa ng komunidad sa pagdiriwang ng taunang Bulihan Festival, na kilala bilang isa sa pinakamakulay na kapistahan sa Quezon Province. Bahagi rin ito ng mas malawak na selebrasyon na nagbibigay-pugay sa kultura at kabuhayang kaugnay ng produktong buli ng bayan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naging matagumpay ang aktibidad dahil sa aktibong pakikilahok ng mga mamamayan at suporta ng mga opisyal ng munisipyo.
Nagpasalamat naman si Mayor Devanadera sa lahat ng nakiisa at nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapanatili ng mga tradisyong nagpapakilala sa identidad ng Sampaloc bilang tahanan ng Bulihan Festival.
