Umabot sa 42 sako ng basura ang nakolekta matapos ang pagdagsa ng libo-libong deboto at turista sa Mount Banahaw nitong nagdaang Semana Santa.

Ayon sa Protected Area Management Office (PAMO) ng Mts. Banahaw–San Cristobal Protected Landscape, nakalap ang mga basura sa isinagawang clean-up drive noong Abril 4 sa Barangay Kinabuhayan sa Dolores, isa sa mga pangunahing daanan patungo sa bundok.

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad, marami pa ring pilgrims at mga mananampalataya ang hindi sumunod sa tamang pagtatapon ng basura habang isinasagawa ang kanilang panata at pagbisita sa lugar.

Matatandaang bago pa man ang Semana Santa ay nanawagan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga bibisita sa Banahaw na magdala ng sariling trash bag at iuwi ang kanilang basura upang mapanatili ang kalinisan ng sagradong bundok.

Ayon naman kay Dolores Mayor Orlan Calayag, mahalagang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng lugar bilang paggalang sa banal na pook at sa komunidad na nakapaligid dito.

Paalala ng PAMO, ang tunay na debosyon ay hindi lamang nasusukat sa panalangin at panata kundi pati na rin sa responsableng pangangalaga sa kalikasan.

Ang Mount Banahaw ay bahagi ng Mts. Banahaw–San Cristobal Protected Landscape, isang mahigit 10,900 ektaryang protected area na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Quezon at Laguna at kilala bilang mahalagang watershed at tahanan ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop.

Matatandaang isinara noong 2004 ang ilang bahagi ng Mount Banahaw upang mabigyan ng pagkakataong makabawi ang kalikasan mula sa matinding pinsalang dulot ng sobrang dami ng mga bumibisita sa lugar.

Sa kabila nito, patuloy pa ring dinarayo ang bundok na kilala bilang isang espiritwal na santuwaryo ng mga deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na tuwing Semana Santa.

Photo courtesy of Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved