Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pamamahagi ng iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura at pangisdaan sa Brgy. Cagbalete sa Mauban (Abril 7) at Brgy. Ibabang Polo sa Pagbilao (Abril 8 ) bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na maiangat ang kabuhayan ng mga mamamayan sa kanayunan.

Ang inisyatibo ay bahagi ng adbokasiya ni Governor Doktora Helen Tan na palakasin ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa lalawigan upang masiguro ang mas matatag at tuloy-tuloy na kabuhayan para sa mga magsasaka at mangingisda.

Sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist sa pamumuno ni Provincial Agriculturist Dr. Liza Mariano, ipinamahagi sa mga magsasaka ang mga binhi ng gulay, pataba o fertilizer, knapsack sprayer, at grasscutter upang makatulong sa pagpapalago ng kanilang mga pananim.

Nagkaloob din ng ammonium sulphate para sa mga magniniyog bilang suporta sa kanilang produksyon ng niyog, habang tumanggap naman ang mga mangingisda ng Bottom Set Gill Net #4 at #7 na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pangingisda.

Bukod sa pamamahagi ng tulong, nagsagawa rin ng konsultasyon sa mga stakeholder upang pakinggan ang kanilang mga pangangailangan at makakalap ng mga mungkahi para lalo pang mapahusay ang mga programang inilulunsad para sa komunidad.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang ganitong mga programa ay patunay ng layunin ng lokal na pamahalaan na magpatupad ng inklusibo at makataong pamamahala para sa kapakinabangan ng mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon.

Nakasama ni Governor Tan sa magkahiwalay na programa sina Vice Governor Third Alcala at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Mauban sa pamumuno ni Mayor Ninong Erwin Pastrana at mga opisyal ng Pagbilao sa pangunguna ni Vice Mayor Wally Dapla.

Photos courtesy of the Office of the Provincial Agriculturist

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Copyright © 2026 | Quezon Chronos Publication | All Rights Reserved